Inilathala ni: Jellyssa Boniza
Petsang Inilathala: Pebrero 2, 2026
Oras na Inilathala: 1:53 PM
Kategorya: Tula
Tema: Ang hangganang espasyo kung saan nananatili ang mga alaala.
Ayon sa siyensya,
may munting espasyo raw sa pagitan ng utak at bungo—
isang manipis na espasyong, tila buntong-hiningang
hindi matukoy ng kahit ano.
Sa munting puwang na ito,
dito raw nagmumula ang balintataw ng ating mga alaala,
mga larawang dumadaan sa isip,
parang aninong sumasalamin sa mata,
mga sandaling nakikita ngunit hindi nahahawakan,
at mga ngiting hindi kailanman makukuha ng litrato.
Ngunit kung tunay ngang may puwang
sa pagitan ng isip at bungo,
bakit tila lalong sumisikip ito?
na kung saan doon mismo nakaipit ang mga sandaling gusto nang isuko.
At kung sakaling ipinanganak tayong
mas malaki ang pagitan ng isip at bungo,
mas maluwag kaya ang daraanan ng mga alaala—
pauwi sa pintuan ng kahapon?
O baka kahit gaano kalawak ang espasyo,
may mga alaala pa ring mananatiling nakabitin—
mga ngiting minsang naging atin,
at kahit pilitin,
hindi na ito kailanman mahahawakan.

No comments:
Post a Comment