Tuesday, July 21, 2026

𝗘𝗗𝗜𝗧𝗢𝗥𝗬𝗔𝗟: "Mga Babalang Hindi Pinakikinggan"


Dibuho ni: Kier Climaco

Inilathala ni: Kyla Shane Recullo

Petsang Inilathala: Hulyo 21, 2026

Oras na inilathala: 11:43 AM

Ang paaralan ay nararapat maging ligtas na espasyo para sa pagkatuto, paghubog ng pagkatao, at paglinang ng kinabukasan ng bawat kabataan. Subalit sa gitna ng sunod-sunod na insidente ng karahasan sa mga paaralan nitong mga nakaraang buwan, lumalabas ang isang mas mabigat na katotohanan—hindi lamang ang mga trahedya ang problema, kundi ang mga babalang matagal nang naroon ngunit hindi napapansin at hindi agad nabibigyan ng kaukulang aksyon.

 

Mula sa pamamaril sa isang pampublikong paaralan sa Tacloban City hanggang sa magkakahiwalay na insidente ng pananaksak sa Cavite, iisa ang tanong na patuloy na bumabagabag sa marami: may mga senyales bang maaaring nakapigil sa mga pangyayaring ito? Sa bawat kasong lumalabas sa balita, madalas na kasunod ang mga ulat ng matagal nang pambu-bully, pagbabago sa asal, problema sa tahanan, o mga suliraning pangkaisipan na hindi agad natugunan. Ang mga ito ay hindi simpleng palabas lamang—mga babala silang dapat sana'y napakinggan.

 

Ayon sa mga eksperto, ang bullying at iba pang uri ng pang-aabuso ay maaaring magdulot ng matinding epekto sa emosyonal at mental na kalagayan ng isang kabataan. Kapag hindi ito nabigyan ng maagap na suporta, maaari itong humantong sa depresyon, matinding pagkabalisa, paglayo sa kapwa, at iba pang mapanganib na pag-uugali. Bagama't hindi lahat ng insidente ng karahasan ay bunga ng bullying, hindi rin maikakailang isa ito sa mga pangunahing salik na dapat seryosong tinutugunan.

 

Sa kabila ng umiiral na mga batas tulad ng Anti-Bullying Act of 2013 at mga child protection policy ng mga paaralan, nananatiling malaking hamon ang maagap na pagtukoy sa mga estudyanteng nangangailangan ng tulong. Hindi sapat ang pagkakaroon ng polisiya kung kulang naman ang implementasyon nito. Marami pa ring paaralan ang may limitadong access sa guidance counselors, mental health professionals, at mga intervention program na makatutulong sana sa mga kabataang dumaraan sa mabibigat na suliranin.

 

Kasunod ng mga nagdaang insidente, muling nabuhay ang panawagang repasuhin ang Juvenile Justice and Welfare Act o Republic Act No. 9344 upang ibaba ang edad ng criminal responsibility. Gayunpaman, binigyang-diin ng ilang eksperto at mambabatas tulad ni Kiko Pangilinan na hindi nito matutugunan ang ugat ng problema. Ang pagpapataw ng mas mabigat na pananagutan ay hindi awtomatikong makapipigil sa karahasan kung patuloy namang napapabayaan ang mga babalang matagal nang nakikita ngunit hindi inaaksyunan.

 

Hindi dapat naghihintay ang mga paaralan na magkaroon muna ng trahedya bago magsagawa ng masusing assessment sa kalagayan ng kanilang mga mag-aaral. Kailangang paigtingin ang maagang pagtukoy sa mga kaso ng bullying, pagbabago ng asal, social withdrawal, at iba pang indikasyon ng emosyonal o sikolohikal na paghihirap. Kasabay nito, nararapat ding palakasin ang koordinasyon ng mga guro, guidance counselors, magulang, at lokal na pamahalaan upang agad na matugunan ang mga suliraning kinahaharap ng mga kabataan.

 

Mahalaga ring magkaroon ng sapat na pondo para sa school-based mental health programs, dagdag na guidance counselors, at regular na pagsasanay ng mga guro sa pagkilala at pagresponde sa mga warning signs ng karahasan. Ang tunay na pag-iwas sa trahedya ay hindi nagsisimula sa paghihigpit ng seguridad lamang, kundi sa maagap na pakikinig at pag-unawa sa mga kabataang humihingi ng tulong—kahit hindi nila ito tahasang sinasabi.

 

Ang bawat trahedyang nagaganap sa loob ng paaralan ay paalala na may mga tinig na hindi narinig at mga babalang hindi napansin. Kung patuloy nating babalewalain ang mga senyales ng paghihirap na ipinakikita ng mga kabataan, mananatiling paulit-ulit ang ganitong mga pangyayari. Ang tunay na hamon ay hindi lamang kung paano tutugon pagkatapos ng trahedya, kundi kung paano ito mapipigilan bago pa man ito mangyari. Sapagkat ang bawat babalang pinakikinggan ay maaaring maging buhay na naililigtas.

 

MGA SANGGUNIAN:

American Psychological Association. (n.d.). Bullying. American Psychological Association.

https://www.apa.org/topics/bullying

 

Department of Education. (2013, December 23). DO 55, s. 2013 – Implementing Rules and Regulations of Republic Act No. 10627 (Anti-Bullying Act of 2013).

https://elibrary.judiciary.gov.ph/thebookshelf/showdocs/10/72034

 

Republic Act No. 10627. (2013, September 13). Anti-Bullying Act of 2013.

https://elibrary.judiciary.gov.ph/thebookshelf/showdocs/2/58226

 

UNESCO. (2019). Behind the Numbers: Ending School Violence and Bullying.

https://unesdoc.unesco.org/ark:/48223/pf0000366483

 

UNESCO Document Repository

World Health Organization. (2025, September 1). Adolescent mental health.

https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/adolescent-mental-health

 

Sarao, Z. (2026, June 22). Legarda: Tacloban school shooting highlights youth issues needing action. Inquirer.net. https://newsinfo.inquirer.net/2250725/legarda-tacloban-school-shooting-highlights-youth-issues-needing-action/amp

 

Gabieta, J. A. (2026, June 22). School shooting kills 3 students in Tacloban. Inquirer.net. https://newsinfo.inquirer.net/2250793/school-shooting-kills-3-students-in-tacloban/amp

 

GMA News Online. (2026, June 22). Kiko Pangilinan says minors accountable under juvenile justice law. https://www.gmanetwork.com/news/topstories/nation/992358/kiko-pangilinan-minors-juvenile-justice-law/story/?amp

 

Lema, K. (2026, June 23). Philippines rethinks school safety after rare shooting kills three students. Reuters. https://www.reuters.com/world/asia-pacific/philippines-rethinks-school-safety-after-rare-shooting-kills-three-2026-06-23/





No comments:

Post a Comment