Ube. Tatak-Pilipino. Isa ito sa mga produktong nagbigay ng natatanging pagkakakilanlan sa pagkaing Pilipino sa buong mundo. Ngunit paano kung ang produktong ipinakilala ng Pilipinas sa mundo ay unti-unti nang mas pinakikinabangan ng ibang bansa kaysa ng sarili nitong pinagmulan? Habang patuloy na lumalaki ang pandaigdigang demand, nahuhuli naman ang lokal na produksyon sa pagtugon dito.
Hindi maikakailang espesyal ang ube para sa mga Pilipino. Higit pa ito sa isang sangkap sa panghimagas—isa itong simbolo ng ating kultura at pagkakakilanlan. Mula sa ube halaya hanggang sa mga cake, pastry, at ice cream, patuloy nitong ipinakikilala ang lasa ng Pilipinas sa iba't ibang panig ng mundo. Kaya sa tuwing kinikilala ang ube sa pandaigdigang merkado, hindi lamang isang produkto ang naipagmamalaki natin, kundi isang bahagi ng ating pagka-Pilipino.
Hindi rin bago ang ube sa Pilipinas. Sa loob ng maraming taon, itinanim at inalagaan ito sa iba't ibang lalawigan, lalo na sa Leyte at Bohol, na kinikilala sa de-kalidad nitong ani. Dahil sa angkop na klima, matabang lupa, at mahabang karanasan ng mga magsasakang Pilipino sa pagtatanim nito, may kakayahan ang bansa na maging pangunahing suplayer ng ube sa pandaigdigang merkado. Sa katunayan, patuloy na lumalaki ang pandaigdigang interes sa ube at sa mga produktong gawa rito, kaya kinilala rin ito ng Department of Trade and Industry (DTI) bilang isa sa mga produktong may malaking potensyal sa eksport. Kung gayon, hindi kakulangan sa likas na yaman ang suliranin, kundi ang kakulangan sa sapat at tuloy-tuloy na suportang magpapalawak sa lokal na produksyon.
Noong Hunyo 20, 2026, nilinaw ng Bureau of Plant Industry (BPI) na hindi nag-aangkat ng sariwang ube ang Pilipinas. Gayunman, inamin ng ahensya na hindi sapat ang lokal na produksyon upang matugunan ang patuloy na lumalaking demand. Dahil dito, nagsisimula nang magtanim at magproseso ng ube ang China at Vietnam upang makibahagi sa pandaigdigang merkado. Isang oportunidad na dapat sana'y pangunahing napapakinabangan ng Pilipinas.
Hindi naman masama kung magtanim din ng ube ang ibang bansa. Sa isang pandaigdigang merkado, normal ang kompetisyon. Ang tunay na problema ay napipilitan silang punan ang kakulangan ng produksyong hindi maibigay ng Pilipinas. Dahil dito, ang mga oportunidad na dapat sana'y napupunta sa mga lokal na magsasaka at negosyo ay unti-unting napapakinabangan ng ibang bansa. Kapag nagpatuloy ito, hindi lamang kita ang maaaring mawala sa Pilipinas, kundi pati ang pagkilala rito bilang pangunahing tahanan ng ubeng matagal na nitong ipinakilala sa buong mundo.
Hindi rin ito unang pagkakataong kinilala ng pamahalaan ang potensyal ng ube. Noong 2024, naglunsad ang Department of Agriculture (DA) ng pamamahagi ng de-kalidad na planting materials sa Leyte at Bohol upang mapataas ang produksyon. Gayunman, ipinakikita ng kasalukuyang sitwasyon na hindi pa rin sapat ang mga hakbang upang makasabay ang lokal na suplay sa lumalaking pandaigdigang demand.
Ang suliraning kinakaharap ng ube ay repleksiyon lamang ng mas malawak na suliranin sa agrikultura. Hindi ito ang unang produktong nakaranas ng kakulangan sa suplay at pagdepende sa inaangkat na ani. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), kabilang pa rin ang pagkain sa mga pangunahing nagtutulak ng inflation sa bansa. Hangga't hindi napalalakas ang lokal na produksyon at suporta sa mga magsasaka, mananatiling nanganganib maging ang mga produktong matagal na nating ipinagmamalaki bilang tatak-Pilipino.
Hindi kulang ang matabang lupa ng Pilipinas, at lalong hindi kulang ang sipag ng mga magsasaka. Ang tunay na kulang ay ang pangmatagalang suporta sa agrikultura. Mataas ang gastos sa produksyon, kulang ang irigasyon at makabagong teknolohiya, mababa ang farmgate price, at maraming magsasaka ang pinipiling talikuran ang pagsasaka dahil hindi na ito sapat upang buhayin ang kanilang pamilya. Dahil hindi sapat ang lokal na suplay, ang ilang negosyo ay bumabaling sa mga produktong mula sa ibang bansa upang matugunan ang lumalaking pangangailangan ng merkado. Hindi ito usapin ng pagpili sa dayuhang produkto kaysa sa lokal, kundi bunga ng kakulangan ng ating sariling produksyon.
Sa huli, ang tunay na nawawalan ay ang mga magsasakang Pilipino. Habang sila ang nagsisiguro na may pagkain sa bawat hapag, sila rin ang patuloy na nakatatanggap ng pinakamaliit na bahagi ng bunga ng kanilang paghihirap.
Panahon nang lampasan ang pansamantalang mga solusyon at ituon ang pansin sa pagpapalakas ng lokal na produksyon. Kailangang palawakin ang pamumuhunan sa pananaliksik, de-kalidad na planting materials, makabagong teknolohiya, irigasyon, post-harvest facilities, at patas na presyo para sa mga magsasaka. Kung tunay nating nais na manatiling tatak-Pilipino ang ube, dapat tiyaking ang mga Pilipino rin ang pangunahing nakikinabang sa tagumpay nito sa pandaigdigang merkado.
Kung darating ang panahong mas kilala na ang ube ng ibang bansa kaysa sa ubeng nagmula mismo sa Pilipinas, hindi na sapat ang tatak na "Made in the Philippines." Ang tanong ngayon ay hindi na kung saan ginawa ang produkto, kundi kung Pilipinas pa ba talaga ang nakikinabang sa mga produktong ipinanganak sa sarili nitong lupa.
MGA SANGGUNIAN:
Baclig, C. E. (2026, May 20). Global purple craze brightens hopes for Philippine ube farmers. Philstar Business. https://www.philstar.com/business/2026/05/20/2529121/global-purple-craze-brightens-hopes-philippines-ube-farmers
Baclig, C. E. (2026, June 20). Philippines does not import fresh ube, says BPI. Philstar Business. https://www.philstar.com/business/2026/06/20/2536396/philippines-does-not-import-fresh-ube
Bonzo, L. T. (2026, May 31). DTI sees ube, calamansi as export 'rising stars' amid coconut gains. GMA News Online. https://www.gmanetwork.com/news/money/economy/989675/dti-sees-ube-calamansi-as-export
Department of Agriculture. (2024, September 11). DA boosts local ube production through quality planting materials. Department of Agriculture. https://www.da.gov.ph/da-boosts-local-ube-production-through-quality-planting-materials
Dy-Zulueta, D. (2026, June 15). Why Filipino ube's viral, trendy global appeal draws mixed reactions. Philstar.com. https://www.philstar.com/food-and-leisure/2026/06/15/2533389/why-filipino-ubes-viral-trendy-global-appeal-draws-mixed-reactions
Philippine Statistics Authority. (2025, December 5). Summary Inflation Report: Consumer Price Index (2018=100): November 2025. Philippine Statistics Authority. https://psa.gov.ph/content/summary-inflation-report-consumer-price-index-2018100-december-2025
Sevillano, S. (2026, June 23). DA distributes P2.6-M planting materials to ube farmers in Visayas. Philippine News Agency. https://www.pna.gov.ph/articles/1277872
Visayas State University – Philippine Root Crop Research and Training Center. (n.d.). Ube (Purple Yam) Research and Development Program. Visayas State University. https://prcrtc.vsu.edu.ph/
layout: https://drive.google.com/drive/folders/19AvIrVEnMzet1dLF7Tw3kpnshiM-ibEo

No comments:
Post a Comment