Disenyo ni: Carla Supisa
Inilathala ni: Kyla Shane Recullo
Petsang inilathala: Hulyo 20, 2026
Oras na inilathala: 7:16 AM
Sinasabing ang tahanan ay higit pa sa isang lugar. Dahil dito unang namulat ang mga mata sa kagandahan ng kalikasan, dito natutong bumuo ng pangarap, at dito unti-unting nabubuo ang pagkakakilanlan ng isang tao. May mga tahanang nananatiling matatag sa kabila ng paglipas ng panahon, ngunit mayroon ding unti-unting nawawala. Hindi dahil sa unos ng kalikasan, kundi dahil sa pasyang ginawa ng tao. At sa paglipas ng maraming panahon, may mga paraisong hindi na lamang naglaho; may mga paraisong unti-unting ibinaon sa ilalim ng mga bagay na hindi kailanman naging bahagi ng mga ito.
Ito ang sinapit ng mga Aeta sa Sitio Tibag, Subic, Zambales. Ang lupang minsang nagsilbing kanlungan ng kanilang mga ninuno ay napalitan na ng tambak na basura. Sa dokumentaryong 'Ibinasurang Paraiso' ni Kara David, nasilayan ng marami ang realidad na nananatiling tahimik.
May isang komunidad na araw-araw pasan ang problemang hindi naman nila ginawa. Dahil ang ipinangakong pansamantalang solusyon ay naging pangmatagalang pasanin ng mga taong nagnanais lamang na mapanatili ang kagandahan ng lupang matagal na nilang inaalagaan at tinatawag na tahanan.
LUNTIAN TUNGO SA TAMBAKAN
May panahon na ang bawat umaga sa Sitio Tibag ay sinasalubong ng malinaw na tubig, hanging sariwa, at luntiang kabundukan. Sa gitna ng katahimikan ng kagubatan, payak ngunit payapa ang buhay ng mga Aeta. Ang kabuhayan nila ay nakaugat sa kalikasan, sa mga punong kanilang tinanim, mga bungang kanilang inaani, at sa lupang minana pa nila mula sa kanilang mga ninuno. Kung para sa iba, isa lamang itong kabundukan, ngunit para sa kanila, isa itong tahanang humubog sa kani-kanilang mga pagkatao.
Ngunit ang lahat ng ito ay nabago nang dumating ang isang kalsadang inaakala nilang maghahatid ng mas dagdag na kagandahan at pag-unlad. Sa una, naniwala sila na mas mapapadali ang pagdadala ng kanilang mga ani pababa ng bundok. Bagay na nagbigay ng pag-asa sa komunidad. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman na ang kalsadang ikinatuwa nila ay siya ring magiging daan ng malalaking truck na puno ng basura. Ang inakala nilang kalsadang magiging simbolo ng kanilang pag-unlad ay naging daan tungo sa unti-unting pagkabaon ng kanilang paraiso.
Habang lumilipas ang panahon, kasabay rin na naglalaho ang anyo ng kanilang lupain. Ang bundok na minsang nababalot ng luntiang kagubatan ay napatag ng mga bulldozer at tone-toneladang basura. Sa halip na huni ng mga ibon ang marinig, masangsang na amoy ng basura at pag-ugong ng mga truck ang pumalit. Hindi maitago ni Erlinda ang sakit na dulot ng pagbabagong ito. “Naaawa din po ako sa lugar na bakit ginaganito po nila. Masakit po sa damdamin po, ma’am. Napakasakit po,” ani niya habang tinatanaw ang bundok na minsang kinagisnan nila na sa isang iglap lamang ay bigla nang naging paalala kung paano nababago ng isang maling pasya ang tanawin at kinabukasan ng isang komunidad.
PASANING HINDI NILA PINILI
Ngunit ang nababago ay hindi lamang kabundukan. Habang dumarami ang mga itinatambak na basura, lalo ring lumalala ang hirap na nararanasan ng mga Aeta. Ang noon ay sariwang simoy ng hangin ay napalitan ng masangsang na amoy na hindi na nila alam kung paano tatakasan. Ang mga langaw na bihira nila kung makita ay naging kasama na nila sa kanilang pamumuhay. Para sa marami, isa lamang itong mga basura. Ngunit para sa mga naninirahan sa paanan nito, ito ay isang paalala ng pangakong hindi nagtagal ngunit ang epekto ay nanatili.
Ang mga sapang dati ay pinagkukunan nila ng tubig na maiinom at maliliit na hipon ay nagbago ang kulay at amoy. Sa halip na sumalok at uminom nang walang pangamba, napilitan silang umasa na lamang sa tubig-ulan dahil sa takot na maaaring kontaminado na ang sapang pinagkukunan nila ng tubig. "Kung wala pa pong basura, ito'y malinis po. Kahit ganyan lang po namin, iinom po kaming namumundok,” kwento ng isa sa mga katutubo. Ngayon, ang bukal na puno ng buhay ay isa na lamang paalala na kahit pa ang pinakamahalagang pangangailangan ng tao ay maaaring maglaho nang dahil sa kapabayaan.
Kasabay nito ang unti-unting pagkawala ng kabuhayang matagal na nilang pinagkakakitaan. Ang mga taniman na dati ay ilang minuto lamang ang lakad mula sa kanilang mga tahanan ay kinailangang ilipat sa masukal na bahagi ng kagubatan upang maiwasan ang mabahong amoy at polusyon. Ang dating simpleng pagpunta sa bukid ay naging isang mahaba at mapanganib na paglalakbay. Hindi sila lumayo dahil nais nila, lumayo sila dahil iyon na lamang ang natitirang paraan upang maipagpatuloy ang kanilang pamumuhay. Ang basurang hindi naman nila itinapon ang siyang nagtulak sa kanila upang lisanin ang bahagi ng lupa na matagal na nilang tinatawag na tahanan.
KATARUNGANG IPINAGDAMOT
Sa likod ng mga tambak na basura ay may mas malalim na suliraning matagal nang binabalewala. Hindi lamang ito kwento ng maruming kapaligiran o masangsang na amoy ng hangin. Isa rin itong kwento ng karapatang ipinagkait at unti-unting natatabunan kasabay ng pagtaas ng bilang ng mga truck na umaakyat sa bundok. Ang lupa kasing pinagtayuan ng tambakan ay bahagi ng ancestral domain ng mga Aeta. Isang lupa na hindi lamang pag-aari sa papel kundi nakaukit na mismo sa kanilang kasaysayan, kultura, at pagkakakilanlan. Kaya ng mapalitan ito ng tambak na basura, tila hindi lamang sariwang hangin ang ipinagkait sa kanila kundi pati na rin ang kanilang identidad.
Higit pa rito, inilantad din sa dokumentaryo ang bigat ng pangakong hindi natupad. Ayon sa mga Aeta, sinabi sa kanila na pansamantala lamang ang pagtatambak ng mga basura at magkakaroon ng mga hakbang upang hindi ito tuluyang makaapekto sa kalikasan. Nangakong lalagyan ng proteksyon ang tambakan upang hindi kumalat ang katas ng basura. Ngunit sa patuloy na paglipas ng panahon, nanatili lamang itong mga salitang iginuhit sa tubig. Ang pansamantala ay umabot ng halos pitong taon, at ang mga iniwang problema ay tila wala pa ring malinaw na katapusan.
Samantala, ang higit na masakit ay ang katotohanang hindi agad narinig ang kanilang mga tinig. Kinailangan pang lumipas ang pitong taon, magkaroon ng reklamo, at makialam ang iba’t ibang ahensya upang tuluyang ipahinto ang operasyon ng tambakan. Subalit kahit na isinara na ito, ang mga basura ay nananatili pa rin sa kanilang lupain. Patunay ito na ang tunay na paghilom ay hindi natatapos sa pagtigil ng problema. Ito ay natatapos sa pag-ako ng pananagutan at pagtupad sa mga binitawang pangako.
PANGAKONG PANSAMANTALA
Sa kabila ng lahat ng pangako at mga nangyari, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mga Aeta. Hindi sila humihingi ng salapi o panibagong mga pangako. Ang tanging hangad nila ay maibalik ang kalinisan ng kanilang lupang ninuno. Bagama't isinara na ang dumpsite, nananatili pa rin ang tone-toneladang basura sa kanilang komunidad.
Tinatayang aabot sa ₱78 milyon ang kinakailangan upang matambakan ang mga basura. Ngunit para sa mga Aeta, hindi sapat na ibaon na lamang ang problema. Ang nais nila ay ang tuluyang pag-alis ng mga basurang sumira sa kanilang tahanan.
Ang dumpsite na itinayo noong 2019, na dapat sana'y pansamantala lamang, ay umabot ng halos pitong taon bago tuluyang naipasara ngayong taon. Ngunit kahit natigil na ang operasyon nito, nananatili pa rin ang mga bakas na iniwan nito sa kalikasan at sa buhay ng mga Aeta.
Higit sa lahat, ipinakita ng kanilang kuwento na ang tunay na kaunlaran ay hindi nasusukat sa dami ng mga proyektong naitatayo. Nasusukat ito sa paggalang sa kalikasan at sa karapatan ng mga taong unang nag-alaga rito. Sapagkat ang isang tahanan ay hindi dapat maging kabayaran sa pag-unlad ng iba. At kapag unti-unti itong nilamon ng kapabayaang hindi nito kasalanan, hindi lamang lupa ang nawawala. Kasama ring naililibing ang kasaysayan, kultura, at kinabukasang minsang ipinagkatiwala rito.
Marahil, ang pinakamalaking basurang iniwan ng kuwentong ito ay hindi ang tone-toneladang basura sa kabundukan ng Sitio Tibag, kundi ang mga pangakong nagsabing pansamantala lamang ang lahat, ngunit nag-iwan ng sugat na naging pangmatagalan. At habang nananatili ang mga basurang hindi naman kanila, mananatili ring nakaamba ang isang tanong—hindi lamang para sa mga Aeta kundi para sa ating lahat: Ano ang halaga ng kaunlaran kung may isang komunidad na patuloy na nagdurusa?
MGA SANGGUNIAN:
GMA Integrated News. (2026, July 13). I-Witness: Ibinasurang Paraiso [Video]. YouTube. https://youtu.be/mFslA0GxNEQ
Official Gazette of the Republic of the Philippines. (2001, January 26). Republic Act No. 9003: Ecological Solid Waste Management Act of 2000. https://www.officialgazette.gov.ph/2001/01/26/republic-act-no-9003/
Department of Environment and Natural Resources. (2001). Republic Act No. 9003: Ecological Solid Waste Management Act of 2000. https://legacy.senate.gov.ph/republic_acts/ra%209003.pdf

No comments:
Post a Comment