Disenyo ni: Summer Maggay
Inilathala ni: Kyla Shane Recullo
Petsang Inilathala: August 28, 2026
Oras na Inilathala: 8:18 AM
Kategorya: Prosa
Tema: Hindi magiging pag-asa ng bayan ang mga kabataan, kung sila mismo ay wala nang nakikitang pag-asa sa bayan
Hindi ka makakasindi ng kandilang matagal nang naupos.
Maaari mo itong hawakan, pagmasdan, o hilinging muli itong magbigay-liwanag, ngunit wala na itong maiaalay kung ang apoy nito ay matagal nang hinayaang mamatay. Hindi sapat na paulit-ulit mong sabihing kaya pa nitong magbigay-liwanag. Ang kandila ay hindi nabubuhay sa panghihikayat lamang. Kailangan itong sindihan. Kailangang alagaan ito habang may apoy pa. Sapagkat kahit gaano katibay ang mitsa, darating ang panahong mauubos din ito kung walang magpapaypay sa apoy.
Marahil, ganoon din ang pag-asa.
Hindi ito kusang nananatili dahil lamang sinabi ng iba na naroon pa ito. Unti-unti itong nauupos sa bawat pangakong hindi natutupad, sa bawat pagkakataong pinipili ang katahimikan kaysa katotohanan, at sa bawat araw na mas madaling sumuko kaysa maniwala.
Bata pa lamang ako, itinuro na sa akin ang pangalan ng mga bayani. Si Rizal. Si Bonifacio. Si Mabini. Tinuruan akong humanga sa kanilang tapang at paniwalaang ang pagmamahal sa bayan ay sapat na dahilan upang ipaglaban ito.
Gaya nga ng sabi ni Rizal, "ang kabataan ang pag-asa ng bayan."
At naniwala ako.
Naniwala akong balang araw, kami naman ang magsisindi ng ilaw.
Ngunit walang nagturo sa amin kung paano magbigay-liwanag kapag kami mismo ang unti-unti nang nauupos. Kung ang bayan na aming kinalakihan ay nawawalan na rin ng ningning, ang mga tapat na tinatahimik habang ang mga makapangyarihan ay patuloy na nakakalusot, at ang mga pangakong paulit-ulit na inuulit ngunit bihirang tuparin.
Paano kami matututong maniwala na may liwanag pang naghihintay sa dulo?
Paano kami aasahang maging ilaw nito?

No comments:
Post a Comment