Monday, September 7, 2026

𝗘𝗗𝗜𝗧𝗢𝗥𝗬𝗔𝗟: "SEE-guridad sa Bag, Sapat na Ba?"




Inilathala ni: Kyla Shane Recullo

Petsang Inilathala: Setyembre 7, 2026

Oras na Inilathala: 8:00 AM


Sa paaralang puno ng pangarap, kailangan bang maging malinaw pati narin ang laman ng bag upang maging ligtas ang bawat isa?

 

Sa patuloy na pagtaas ng mga usapin tungkol sa seguridad sa mga paaralan, isinusulong ng ilang paaralan ang paggamit ng transparent o see-through bags upang mas mapadali ang inspeksyon sa mga dala ng mga mag-aaral. Sa Cebu, kabilang ito sa mga hakbang na pinag-aaralan upang mapalakas ang seguridad sa loob ng campus. Gayunpaman, kasabay ng layuning ito ang tanong: Sapat ba ang transparent bag upang masabing ligtas na ang mga estudyante?

 

Tunay ngang makakatulong ang transparent bag sa seguridad, ngunit hindi ito dapat ituring na pangunahing solusyon sa problema ng school safety. Ang tunay na kaligtasan ay hindi lamang nakikita sa laman ng bag, kundi sa maayos at komprehensibong sistema ng seguridad ng paaralan.

 

Ang paggamit ng transparent bags ay isinasaalang-alang dahil mas madali para sa mga guwardiya at awtoridad na makita ang laman ng bag nang hindi na kinakailangang magsagawa ng mas matagal na inspeksyon. Layunin nitong makatulong sa pagtukoy ng mga bagay na maaaring magdulot ng panganib sa loob ng paaralan.

 

Hindi maikakaila na may pakinabang ang ganitong paraan. Ngunit kung transparent lamang ang bag, hindi ibig sabihin ay awtomatiko nang transparent ang lahat ng banta. Ang isang malinaw na bag ay maaaring magpakita ng gamit, ngunit hindi nito kayang ipakita ang lahat ng problemang maaaring kinakaharap ng isang estudyante.

 

Bukod sa transparent bags, kabilang din sa mga maaaring hakbang sa pagpapalakas ng seguridad ang paggamit ng metal detectors, CCTV cameras, dagdag na security personnel, emergency drills, at iba pang safety protocols. Ipinapakita nitong hindi iisang hakbang lamang ang kailangan upang mapanatiling ligtas ang campus.

 

Dito dapat maging mas maingat ang mga paaralan. Ang transparent bag ay dapat dagdag na pananggalang, hindi kapalit ng mas maayos na security system. Kailangang tiyaking sapat ang bilang at pagsasanay ng security personnel, gumagana ang mga safety protocol, at alam ng bawat estudyante kung ano ang dapat gawin kapag may emergency.

 

Mayroon ding usapin sa gastos. Hindi lahat ng pamilya ay kayang agad bumili ng bagong bag, lalo na kung mayroon pa silang gamit na maayos at ligtas gamitin. Kaya mahalagang isaalang-alang ng mga paaralan ang kakayahan ng mga mag-aaral at kanilang pamilya bago gawing mandatory ang naturang polisiya. Ang seguridad ay responsibilidad ng buong komunidad, hindi lamang ng estudyante. Kung ipatutupad ang transparent bag policy, dapat itong gawin nang patas at may sapat na konsiderasyon. Hindi dapat maging sukatan ng pagiging responsable ng isang estudyante ang kakayahan niyang bumili ng bagong bag.

 

Ang transparent bag ay maaaring maging isang hakbang tungo sa mas ligtas na paaralan, ngunit hindi ito ang kabuuan ng solusyon. Sa halip na umasa sa isang malinaw na bag, kailangang bumuo ng mas malinaw na sistema—isang sistemang may sapat na seguridad, maayos na pagpapatupad, at malasakit sa bawat mag-aaral.

 

Kung kaligtasan ang layunin, gawin itong responsibilidad ng lahat. Makilahok, makinig, at makipagtulungan ang mga estudyante, guro, magulang, at administrasyon sa pagbuo ng mga patakarang tunay na nagpoprotekta. Sapagkat ang isang ligtas na paaralan ay hindi lamang paaralang nakikita ang laman ng bag—ito ay paaralang nakikita, naririnig, at pinahahalagahan ang bawat mag-aaral.

 

MGA SANGGUNIAN:

Baltasar, C. (2026, August 24). PH schools push for use of transparent bags on campus for easier inspection. PhilSTAR Life. https://philstarlife.com/news-and-views/781516-ph-schools-push-for-use-of-transparent-bags-campus-easier-inspection

 

Cardova, C. (2026, August 26). Use of see-through bags among measures being considered to ensure safety in Cebu schools. Manila Bulletin. https://mb.com.ph/2026/08/26/use-of-see-through-bags-among-measures-being-considered-to-ensure-safety-in-cebu-schools?utm_source

 

De Dios, K. (2026, August 26). Mandaue DepEd open to use of transparent bags. The Freeman. The Freeman. https://www.philstar.com/the-freeman/cebu-news/2026/08/26/2551881/mandaue-deped-open-use-transparent-bags

No comments:

Post a Comment