Inilathala ni: Jannah Pauline Beldad
Petsang Inilathala: Setyembre 07, 2026
Oras na Inilathala: 7:53 AM
Para sa masa ka pa ba, UP?
Sa bansang ang edukasyon ay madalas itinuturing na hagdan palabas ng kahirapan, ang isang puwesto sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) ay higit pa sa pangalan sa isang admission list. Para sa ilan, isa itong pagkakataong makakuha ng de-kalidad na edukasyon nang hindi kailangang pasanin ng pamilya ang halaga ng pribadong unibersidad.
Ngunit sa kompetisyong kakaunti lamang ang puwesto at hindi maiiwasang itanong na pareho ba talaga ang pagkakataong mayroon ang bawat aplikante bago pa man magsimula ang pagsusulit?
May estudyanteng may kakayahang magbayad para sa review center, pribadong tutor, learning materials, at maayos na lugar para mag-aral. Mayroon namang sariling sipag at libreng resources lamang ang maaasahan.
Pareho silang maaaring matalino. Pareho silang maaaring masipag. Pareho silang maaaring karapat-dapat. Ngunit hindi pareho ang kanilang paghahanda.
Hindi ito simpleng usapin ng mayaman laban sa mahirap. Sa pag-aaral nina Daway-Ducanes, Pernia, at Ramos (2022), sinuri ang mahigit 664,000 aplikasyon sa UP mula 2006 hanggang 2015. Natuklasan ng mga mananaliksik ang tinatawag na “income advantage” sa admissions: mas mataas ang posibilidad na matanggap ang mga aplikanteng mula sa mas maykayang sambahayan kaysa sa mga kabilang sa pinakamababang income classification, kahit isinasaalang-alang ang academic performance at iba pang salik.
Hindi ibig sabihin nito na pera lamang ang batayan ng admission. Ngunit hindi rin dapat balewalain ang ipinahihiwatig ng datos. Sapagkat ang laban para sa UP ay hindi nagsisimula sa araw ng pagsusulit. Nagsisimula ito sa paaralang pinapasukan, kalidad ng edukasyon, access sa learning materials, internet, oras, at kakayahang maghanda.
Dito nagiging komplikado ang salitang 'burgis'. Hindi kasalanan ng isang estudyante ang pagiging mayaman. Hindi niya pinili kung saang pamilya siya ipinanganak, at hindi rin awtomatikong nangangahulugang wala siyang karapatang makapasok sa UP. May karapatan din siyang mangarap. Ngunit hindi rin dapat gawing invisible ang pribilehiyo.
Ang pagkakaroon nito ay hindi nangangahulugang awtomatikong panalo. Nangangahulugan lamang itong may mga oportunidad na maaaring samantalahin ng ilan na hindi kayang abutin ng iba.
Para sa isang maykayang pamilya, maaaring may ibang unibersidad o programang maaaring pagpilian kapag hindi nakapasok sa UP. Ngunit para sa isang pamilyang kapos sa pera, maaaring mas kaunti ang alternatibong abot-kamay. Hindi dahil mas karapat-dapat ang mahirap. Kundi dahil mas kaunti ang pintuang bukas para sa kaniya.
Ito ang madalas na nakakalimutan sa usapin ng meritocracy. Ito ang madalas na nakakalimutan sa paniniwalang sapat nang pareho ang pamantayan para maging patas ang laban. Na para bang pareho lang ang finish line, kaya patas na ang karera. Ngunit paano kung ang ilan ay nagsimula nang may sapatos, samantalang ang iba ay kailangang tumakbo nang nakapaa?
Hindi nito binubura ang sipag at talino ng mga estudyanteng mula sa maykayang pamilya. Ngunit hindi rin dapat ikubli ng salitang “merit” ang mga pribilehiyong tumulong mabuo ang merit na iyon.
Mismong Republic Act No. 9500, o UP Charter, ay nagtatakda ng prinsipyo ng democratic access at nag-aatas sa UP na gumawa ng affirmative steps upang mapalawak ang access ng disadvantaged students. Ayon din sa UP, isinasaalang-alang sa admissions ang iba’t ibang salik upang mapagsabay ang excellence at equity, kabilang ang academic performance, socioeconomic status, uri ng high school, at geographic location.
Kaya hindi makatarungang sabihing walang ginagawa ang UP. Ngunit sapat na ba ang ginagawa? Kung may pananaliksik nang nagpapakitang may income advantage sa admissions, hindi ba nararapat lamang na patuloy na tanungin kung epektibo ang mga hakbang na ito sa tunay na buhay?
Dahil ang isang sistema ay hindi nagiging patas dahil lamang sa patas ang nakasulat na panuntunan. Nagiging patas ito kapag ang mga taong nagsisimula sa magkakaibang kondisyon ay nabibigyan ng tunay na pagkakataong makipagsabayan.
Hindi kailangang ibigay ang slot sa mahirap dahil mahirap siya. Hindi rin kailangang alisin ang maykayang estudyante sa UP.
Ang kailangang hamunin ay ang sistemang nagpapahintulot na ang pribilehiyo ay maging dagdag na bentahe sa isang kompetisyong may limitadong puwesto. Dahil sa huli, ang isang slot sa UP ay hindi lamang isang upuan.
Para sa isang kabataang kapos sa pera, maaari itong maging tulay tungo sa edukasyong hindi kayang bilhin ng pamilya. Maaari itong maging pagkakataong baguhin hindi lamang ang sariling kinabukasan, kundi pati ang direksiyon ng isang pamilya.
Hindi kasalanan ng mayaman ang pagiging mayaman. Pero hindi rin kasalanan ng mahirap ang magsimulang kapos. Kaya balik tayo sa tanong na “Para sa masa ka pa ba, UP?”
Kung oo, hindi sapat na bukas ang pinto. Dapat tiyaking ang mga walang kakayahang bumili ng mas magandang paghahanda ay may tunay na pagkakataon pa ring makarating dito.
Dahil ang pagiging Iskolar ng Bayan ay hindi lamang tungkol sa kung sino ang nakapasok. Tungkol din ito sa kung sino ang nabigyan ng patas na pagkakataong makapasok.
MGA SANGGUNIAN:
Daway-Ducanes, S. L. S., Pernia, E. E., & Ramos, V. J. R. (2022). On the “income advantage” in course choices and admissions: Evidence from the University of the Philippines. International Journal of Educational Development, 91, 102578. https://doi.org/10.1016/j.ijedudev.2022.102578
Republic of the Philippines. (2008). Republic Act No. 9500: An act to strengthen the University of the Philippines as the national university. Lawphil. https://lawphil.net/statutes/repacts/ra2008/ra_9500_2008.html
University of the Philippines. (2022, August 31). UP explains the current admissions system. https://up.edu.ph/up-explains-the-current-admissions-system/
Villanueva, M. (2024, September 16). Is UP fulfilling its mandate? Inquirer.net. https://opinion.inquirer.net/176845/is-up-fulfilling-its-mandate

No comments:
Post a Comment