Monday, August 11, 2025

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Ako muna” ni Marielle L. Apdan

 

Inilathala ni: Shaina Pajarillo

Petsang Inilathala: Agosto 11, 2025

Oras na Inilathala: 2:50 PM


Kategorya: Tula

Tema: Kalayaan sa pagpili


Sa pagtahak sa daang puno ng pagdidikta

Mga pusong sumisigaw, mga boses na lumalaban 

'Kasama ang mapusok na damdamin at isip,

Lalaban ako sa dikta ng mundo’t silakbo ng opinyon.

Pero— kung pipiliin kong tahakin ang aking nais, ako ba ay maliligaw?


Ngunit, naalala ko, ayos lang maligaw. 

Dahil kaya kong bumalik, taas-noo, walang takot.

Sanay na akong palaging may masasabi sila.

Bakit pa magtatago at tatakbo,

Kung pwede namang ako muna?


Kaya papalayain ko na ang sarili sa karakter na hindi ko naman hinubog.

Sa anyong hindi ko pinili.

Sa papel na sinulat nila para sa akin.

Dahil pinili kong dinggin ang sarili kong tinig.

Na unti-unting tumulong upang bumangon ulit.


Ngayon ay haharap na ulit sa salamin nang walang alinlangan.

Dahil ang repleksyon na aking nakikita ay purong katotohanan. 

Ang repleksyon ay hindi na estranghero.

Kundi ang tunay kong anyo.

Hindi man ako perpekto, sapat pa rin ang AKO. 

Mahalaga, totoo, at sa wakas, malaya.

No comments:

Post a Comment