Inilathala ni: Reiven Presbetero
Petsang Inilathala: Agosto 11, 2025
Oras na Inilathala: 3:49 PM
Kategorya: Prosa
Tema: Ang pag-ibig bilang marahas ngunit matamis na pagsuko.
Pag-ibig nga naman—isang bersyon ng kanibalismo. Hindi gaya ng karahasan ng pangil at kuko, kundi ang malumanay na paglapastangan na tinatanggap ng puso nang may ngiti. Ang pag-ibig na hindi kagat na umaagaw ng buhay, kundi isang halik na sumisipsip sa kaluluwa nang buo—isang patikim sa lamang-loob, pag-inom sa pusod ng diwa.
Sino ba ang unang nagsabi na ang pag-ibig ay banal? Siguro siya rin ang unang nagsunog ng sariling panalangin. Sapagkat sa pag-ibig ay walang naiiwang banal—lahat nadurog, nadungisan, nasugatan.
Kapag ang puso ay pumili, ito ang simula ng pagtalikod sa sarili, ng pagsumpa sa dating ako, at ng lubos sa pagsuko sa kung sino ka.
Isang panatang isinulat hindi sa papel kundi sa katawan—iniukit mula sa pangungulila at pinirmahan ng luha. Isinilid sa sobre ng mga gabing walang tugon, ng mga tinging nagsasayaw sa pagitan ng pag-asa at pagwawalang-bahala.
Hindi ka santo, at lalong hindi ako banal. Ngunit sa tuwing nahaharap sa iyo, ako’y isang debotong handang lumuhod sa bawat titig mo—isang mortal na inaalay ang sarili, hindi upang mahalin, kundi upang masaid. Dahil ang pag-ibig na aking nakilala ay hindi transaksyon, walang hinahanap na kapalit. Ang pag-ibig na aking nakilala ay isang sakripisyong walang kapatawaran—isang pagsuko sa tanglaw ng iyong bisig, isang pagyakap sa init mong sinusunog ang aking puso.
Minsan, iniisip ko na baka hindi tayo tao sa tuwing tayo’y umiibig. Baka tayo’y pawang kaluluwa lamang na sinumpang magmahal at walang atubiling magpalamon sa pag-ibig—mga kaluluwang ginising ng panalangin ng iba.
At kung sakali mang ako’y maubos, hayaang sa iyo ko ito maranasan—sa bawat halik mo na tila sinisipsip ang aking mga gunita, sa bawat salita mong tila kutsilyong dahan-dahang hinihiwa ang aking pagkatao, at sa mga kamay mong unti-unting hinihimay ang aking puso. Dahil sa dami ng bagay na maaaring sa akin ay ngumuya, sa iyo lang ako magpapalamon nang may tuwa.
Pag-ibig nga naman. Isang uri ng kamatayan. Isang uri ng kanibalismo—kung saan ang pinakamalinamnam na maari mong ihain ay ang sariling puso.
No comments:
Post a Comment