Inilathala ni: Mherry Vhine Macalalag
Petsang Inilathala: October 13, 2025
Oras na Inilathala: 6:46 AM
Kategorya: Tula
Tema: Ang pag-ibig na pinapanalangin at naghihintay kahit gaano pa katagal mangyari
O, Bathaluman ng pag-ibig, dinggin ang aking puso,
Masalimuot ang tagpo ng mga mata,
Mapanuksong pag-ibig na tali sa kaluluwa,
Tanging puso ang umiibig ng walang hanggan,
Ang tunay na ihinahangad ay muling sisilang.
Sa bawat tinig ng 'mahal kita' ay halik ng tadhana,
Haplos sa aking puso tila himig ng isang alpa,
At bawat dampi ng daliri'y musika ng pagmamahal,
Inaakit ang pusong salat sa pag-asa,
Ang pangalawang pagsubok ay hindi na kinatatakutan.
O, Bathaluman ng puso, ika'y haharanahin,
Sa'yo lamang iparirinig ang himig ng damdamin,
Ikaw ang diwa ng aking obra maestra,
Ang pasanin sa bawat pangakong binitawan,
Linabag ang sumpang di na muling magmamahal.
O, Bathaluman, alab ng pananabik na di mamamatay,
Dinggin ang pusong sabik sa iyong haplos,
Mga puso'y nagtatagpo sa iyong wagas na liwanag,
Nawa'y payagang abutin ang dulo ng pulang tali,
Saka lamang titigil ang gabing walang tala.
No comments:
Post a Comment