Monday, October 13, 2025

𝗣𝗔𝗡𝗜𝗧𝗜𝗞𝗔𝗡: “Kung Saan Ako ang Lubid” ni Christian Dave T. Saagundo

 


Inilathala ni: Mherry Vhine Macalalag

Petsang Inilathala: October 13, 2025

Oras na Inilathala: 6:52 AM


Kategorya: Tula

Tema: Pagkakagapos sa sariling bigat at kawalan ng pagtakas sa sariling mga tanikala.


Tila ako’y nakatali—

Hindi sa tao, hindi sa bakal,

Kundi sa lubid na magaspang

Na sa balat ay nag-iiwan ng bakas.


Bawat hinga’y mabigat,

Tila buhol na pilit kumakapit.

At sa katahimikan ng paligid

Naririnig ang sarili kong pag-ungol.


Kadiliman na walang hanggan,

Sumasakal sa aking paningin.

Bawat galaw ay sugat,

Bawat hakbang ay tanikala. 


Sa bawat pagtanggi,

Ako’y lalong lumulubog.

At sa bawat pagtakas, 

Lalo lamang nahuhulog.


Ngunit sa gilid ng gabi,

May sinag na marahang dumampi.

Mahina ngunit malinaw—

May bukas pa na naghihintay. 


At kung ako’y matutong bumitaw,

Kahit dahan-dahan, kahit marahan,

Maaring ang lubid na matagal nang tanikala,

Ay siya ring maging daan sa paglaya.

No comments:

Post a Comment