Tuesday, October 5, 2021

LITERARY: "Durungawan ng Pahinga" by: Loris Charmane

 Durungawan ng Pahinga

by: Loris Charmane


Rinig ko ang pigil na panangisan ng ulap sa dalawang paang nagtatampisaw sa liwayway ng paligsahan ng puso't wakas; dalawang labing balisa sa bagong lasa ng sariling balat—marahil ay hindi na tiyak. 

Sampung hakbang paatras sa sansinukob, may nangangambang apoy sa mabilis na pagtakbo ni Pedro palapit sa marilag na araw-araw. Tuwang-tuwa naman ang matingkad na bahaghari sa pagtalikod niya sa unos, sapagkat alam nitong may nahihimbing na bagyo sa paningin ng mundong walang sawang tumatagos sa sariling pagtataka't pang-uuyam; tila mabagal ang kanyang pag-usad, tila walang kaluluwa sa matang nakikiusap. Nagtataka't tila pagod nang sumabay ang mga paa sa agos na rumaragasa; pilit ang ngiting nakaladlad ang pakpak na inalagaan sa mga brasong ilang taon ring kinapitan ng lahat. Pedrong kapitan ng barkong inilubog ng mapait na karanasan, ngunit nakatindig bilang sugo ng buwan—anino ng sistemang pangkalawakang alay lang sa kawalan.

Sanay mapaso sa mga maiinit na batong nanghahampas. Tangay niya noon ang hanging humahawi sa mga salitang bumubutas sa sikmura. May malalakas na ihip na pilit sumisilip sa nakaawang na mga labi; tila bilibid na hinulma alay sa mga purong tinik na hindi na maitatama.

Dalawang paang nagtatampisaw sa liwayway ng paligsahan ng mundong nais magwakas, dalawang labing balisa sa bagong lasa ng sariling balat. Damdaming nagsawa matapos masanay, isang bulong sa pagpintig sa kung ano ang dapat ibigay ng daigdig sa paghingang pagod nang magpatangay.


No comments:

Post a Comment