Gaano natin kakilala ang ating mga pambansang bayani sa kabila ng nakakaburyo nating history class? Sa kaso ni Andres Bonifacio, bukod sa pagiging founder ng Katipunan may iba ka pa bang nalalaman tungkol sa kaniya?
Kalimitang sagot ng mga estudyante ay siya ang Ama ng Katipunan, nagpundar ng Kataastaasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan at ang pambansang bayani na gumamit ng dahas upang ipaglaban ang kalayaan na tinatamasa ng ating bansa sa kasalukuyan.
Sapat na bang impormasyon ang aking mga nabanggit upang ilarawan si Andres Bonifacio? Narito’t ako’y magbibigay ng karagdagang impormasyon para sa ating pambansang bayani.
Si Andres Bonifacio y de Castro na ipinanganak noong Nobyembre 30, 1863 sa Tondo Manila ay namatay noong Mayo 10, 1897 sa Maragondon Cavite. Dahil sa paratang na pagtataksil ang magkapatid na Bonifacio ay hinatulan ng kamatayan sa mga kamay ng tauhan ni Aguinaldo. Inamin ito ni Emilio Aguinaldo sa pamamagitan ng isang mensahe na nagpapatunay na siya ang nag-utos sa pagpapapatay sa mag-kapatid.
Ang ating bayani ay nagmula sa middle-class family ngunit, nang ma-ulila sa mga magulang sa murang edad ay huminto siya sa pag-aaral upang suportahan ang mga kapatid. Sa kabila ng pangyayaring iyon, si Andres ay isang self-educated. Mahusay siyang mag-basa at part-timer rin bilang isang theater actor! Isa sa mga ginampanan niya ay si Bernado Carpio sa alamat na “Ang makulay na buhay ni Bernardo Carpio”. Bukod sa mga ito, alam mo ba kung ano ang paboritong pagkain ni Andres? Ayon kay Milagros S. Enriquez sa Kasaysayan ng Kaluto ng Bayan, nilitsong manok sa Zaha ang paboritong pagkain ni Bonifacio. Sa pamamagitan ng pagbalot ng manok sa dahon ng saging at sampalok bago ihawin at kapag naluto ay lalagyan ng sarsa na gawa sa atay ng manok at tanglad ay makagagawa ng nilitsong manok sa zaha. Ang nakakatuwa pang kasaysayan sa ating bayani ay noong nag-damit pambabae siya. Upang makadaan sa mga gwardiya sibil at maitago ang kaniyang pagkakakilanlan ay nagsuot siya ng damit pambabae. Madali naman niyang naisahan ang mga sundalong espanyol noon, ngunit ang sandatang ipinahawak niya sa hindi nakikilang kaibigan ay hindi na muling natagpuan. Makikilala natin si Andres Bonifacio bilang isang bayani na gumamit ng dahas gamit ang bolo, ngunit maraming patunay na revolver ang ginamit niya sa pakikipaglaban at hindi kilala sa paggamit ng bolo noon. Sinabi lamang na bolo ang kaniyang pagkikilanlan sa pakikipaglaban ay dahil sa mga tauhan niya na ito ang gamit.
Iilan lamang ang aking mga nabanggit sa mga kasaysayan ng ating bayani. Ngayon sa araw ng Nobyembre 30, ay ating ginugunita ang kaarawan ni Andres Bonifacio. Pumanaw man ang ating mga bayani, ang kanilang kontribusiyon sa ating bansa ay patuloy nating kikilalanin.
Source:
FilipiKnow
Photo Source:
Josephonperspectives.wordpress.
Published by: Lloyd Agbulos
Date published: November 30, 2021
Time published: 2:57 PM
No comments:
Post a Comment