Monday, November 29, 2021

LITERARY: "Liham sa Alapaap" By: Honey Grace Tolentino



Classification: Prose

Theme: Panghihinayang

Synopsis: Sa unang tunghay pa lamang ng mga mata, nabihag na’t alam na walang kawala. Hanggang saan nga ba dadalhin ng alapaap ang liham na nais kong ihandog sa taong pinakamamahal?

...

Mahal kong Leandro,

“Mang Festin! Nandito na ang mga sundalong dadalo sa pagsasalo-salo!”

“Ganoon ba? Halika’t ating salubungin ang magigiting na kalalakihang lumaban at patuloy na lalaban para sa ating bansa.”

“Mukhang hindi kayo binigo ng inyong panganay. Napakahusay pagdating sa labanan!”

Tunay nga na ang tadhana ay mapaglaro. Marahil ay paulit-ulit mo na itong naririnig at nagsasawa na ang iyong pandinig. Ngunit ano pa ba ang maari kong masabi? Ano pa nga ba ang maaring imungkahi? Gayong damdamin ko ay iyong inisang-tabi? Gayong hindi na nga ako ang nauna, hindi rin ako ang huli?

“Leandro!”

Napatunghay ang mga mata sa pintuan matapos masayang sambitin ng aking nakatatandang kapatid ang ngalan na iyon. Sa hindi malamang kadahilanan, tila ba ang aking mata’y hinahatak nang kaniyang walang kasing pantay na kakisigan.

Ngumiti lamang siya sa aking kapatid at nakipagkamay sa mga taong naroon. Kinalaunan ay kaniyang dinaluhan kami sa hapag-kainan.

Nagsimula ang kanilang kuwentuhan kasabay ng malamyos na musikang tinutugtog ng mga musikero.

Pilit ko mang alisin ang kaniyang prisensya sa isipan, ay hindi ko ito magawa. “Naamoy mo ba ang naamoy ko, Isidro?” mapang-asar na tanong ng aking ama sa kapatid ko. “Sinong hindi, ama? Umaalingasaw ang amoy,” sagot nito. Dala ng pagtatakha ay nakisali ako sa kanilang usapan. “Anong amoy? Wala akong maamoy na kahit ano.”

Malakas na tumawa ang dalawa. Gulong-gulo man ay hindi ko magawang mainis. Nakakatuwa na makita silang ganoon. Simula nang mawala ang aming ina, napuno ng katahimikan ang aming tahan. Kahit anong pilit kong ibalik iyon ay hindi ko magawa.

Labis silang nasaktan sa pangyayari na siyang halos dumurog sa aming mga puso.

Sa layon na iyong tatahakin upang makipagdigmaan, nais kong maging tiyak ang iyong kaligtasan. Wari kong ni isang liham ay ayaw mong matanggap mula sa akin, subalit hindi na kakayanin ng aking isipan at puso ang dalamhating nararamdaman.

“Pagbati sa iyo, kaibigan! Sana naman ay ingatan mo ang aking kapatid. Siya ang natitirang ligaya namin ni ama,” nakangiting sambit ni Isidro sa lalaking aking katabi. Kaliwa’t kanan ang pagbati ng mga tao. Pana’y ang ngiti ko at mukhang hindi ko na iyon maiaalis pa.

Isang masayang pangyayari ang siyang naihandog sa akin. Sa wakas ay maari ko nang makasama ang minamahal kong lalaki. Ang lalaking mamahalin ko hanggang kamatayan. Ngunit ang ngiting inakala kong hindi mapapawi ay unti-unting naglaho.

Bakit ganito ang nararamdaman ko? Nasaakin na siya, sa akin at wala nang iba. Ngunit ang mata niya’y nakatunghay sa iba.

Isinulat ko ang liham na ito upang kahit sa huling beses ay maiparating kong muli sa iyo ang pagmamahal na hinding-hindi magwawakas. Ikaw at ikaw lang ang pauli-ulit na iibigin nang wagas.

“Hindi mo naiintindihan, Isidro!”

“Paano ko mauunawan ang mga sinasabi mo kung hindi mo ito sabihin nang maayos? Maari bang kumalma ka?”

Patuloy ang pagragasa ng mga luhang hindi ko nais ipakita sa kahit kanino. Ngunit nahuli ako ni Isidro. “Alin pa ang nais mong malaman? Ano pa ang hindi mo maunawaan?” Malalim na hininga ang kaniyang hinugot ngunit ni isang salita ay walang lumabas sa kaniyang bibig.

Ang pinakamamahal kong kapatid. Siguro nga’y magagawa kong itago ang hinagpis sa aking ama ngunit hinding-hindi kay Isidro. Ang taong nakasama ko mula pagkabata hanggang ngayon.

"Nasa akin lamang siya dahil ikaw ang kapatid ko. Mahal niya ako, pero hindi niya ako minahal. Magulo ito, alam ko, ngunit dahil dito, hindi ko akalaing may madudurog pa pala sa puso kong wasak na."

“Hindi ko maintindihan.” Tila na hihirapang sambit niya. Ang pag-iyak na tumila ay muli na namang nagsimula. Nais kong magsalita ngunit hindi ko kayang tanggapin ang katotohanan. Hindi ko kayang tanggapin.

"Mahal niya ako...para sa bayan natin." Hinding-hindi ko mababago ang takbo ng puso ni Leandro. Nasa akin siya, ngunit ang puso niya ay inalay at dadalhin ng iba.

Sa unang beses pa lamang nang ating pagkikita, sa unang tagpo ng ating mga mata, ramdam ko na ang damdaming natakot akong aminin. Minahal na kita noon pa man. Minahal na kita gayong hindi pa tayo magkakilala.

Nanatili akong nakaupo sa harap ng terasa. Hindi ko matuloy ang pagbuburda ng bulaklak na ilalagay ko sa isang panyo upang ibigay kay Leandro. Iginugupo ako ng damdaming panay ang pagsigaw ng takot.

Nadinig ko ang pagbukas ng pinto. Maging ang marahang yabag papasok sa aking silid. Ang pamilyar na amoy niya’y dumapo sa aking ilong. Yabag ng mga paa, boses, at amoy. Hindi ko na kinakailangang lumingon upang malaman kung sino ang taong dumating.

“Mabuti at naisipan mong dumalaw, Leandro.” Walang sagot. Muling nanubig ang aking mga mata, nagbabadiya ang mga luhang nais kumawala. “May...nais akong iparating–”

“Maupo ka,” pagpuputol ko sa kaniyang sasabihin. Ramdam ko ang kaniyang pag-aalinlangan ngunit kinalaunan ay naupo siya sa kaharap kong silya. Buong tapang kong hinarap ang mga matang nagpabihag sa akin.

Isa-isang umagos ang mga alaalang kahit minsan ay hindi ko pa nasabi sa iba. “Alam mo ang nararamdaman ko para sa iyo, Leandro.”

“Hindi iyan lingid sa aking kaalaman.”

“Kung gayon ay alam mo rin ba kung kailan mo nabihag ang aking puso?” Kung kailan ko naisipang ialay sa iyo ang pagmamahal ko?

Buntong-hininga lamang ang isinukli niya sa aking tanong. Sa muling pagtaas nang kaniyang tingin, hindi nakaligtas sa akin ang mabilis na pagbabago ng mga ito. Muling nalukot ang kaniyang mukha. “Huwag mo akong iyakan. Hindi ako karapdapat para sa iyong mga luha.”

Isang mapait na ngiti ang kumawala sa aking labi. Nais kong mainis sapagkat kahit sa ganitong sitwasyon, kahit pa alam kong nais na niyang lumisan sa aking tabi, hinahangad parin ng aking puso na suyuin ako ng matatamis niyang salita na dati ay walang humpay niyang binabanggit.

Tiyak ay hindi niya alam, at sana’y hindi na niya malaman pa. Minahal ko na siya bago pa ang pagpupulong para sa kanila. Ang bawat kilos niya ay nakamasid ako sa terasa. Ang bawat ngiti, pagbati, at kahit pa ang pagpahid ng kaniyang pawis dahil sa pagsasanay. Lahat iyon ay itinanim ko sa aking isipan.

Oras na nga ba upang siya ay pakawalan?

"Hindi ako bulag. Hindi ako bingi. Alam ko ang bawat salitang ibinubulong ng marami sa tuwing tayo ay magkasama. Pero para mapatagal ko itong relasyong alam kong matagal nang buwag, ginawa kong bingi at bulag ang sarili ko. Sana maunawan mo ito. Hindi man ngayon."

“Davi–”

“Umalis ka na.” *Umalis ka na...dahil baka magbago pa ang aking isipan. Umalis ka na...dahil alam kong ito ang tanging paraan upang hindi ka na mahirapan. *

Ang pag-alis niya ang huling beses na siya’y mamahalin ko.

Leandro, nais kong makita ang ngiti sa iyong mata at labi. Kahit iba ang bunga ng mga ito. Sa iyong pag-alis, sana ay malaman mo sa pamamagitan ng liham ko, buong buhay ko ang iyong dinala. Kung ikaw man ay mawala sa mundo, mabatid mo sanang hahayo ako sa piling mo.

“Leandro!”

Nakabibinging pakinggan. Totoo nga ang sinabi nila. Kahit ano pang paglimot ang gawin, kung mahal mo ang tao ay mahihirapan kang alisin siya sa buong isipan mo. Mahihirapan kang pawiin ang ragasa ng damdamin sa iyong puso.

“Leandro!” sigaw ng babaeng pinili ng mahal ko.

Nakakatuwang tingnan na ang lahat ay nakapaligid sa kaniya’t nakaagapay. Samantalang parehas lang naman kaming nawalan. Ang bawat pag-iyak niya’y sinasabayan ng pagluha nila. Gustuhin ko mang gawin din iyon, hindi maari.

Kahit ang paglapit sa lawa kung saan inihahatid ang kaniyang labi ay hindi ko magawa. Mula umpisa hanggang wakas, tanging pag tanaw lang sa kaniya ang aking nagawa.

Bitbit ang liham na hindi ko nagawang ibigay sa mahal ko, patuloy ang pag-iyak ng aking mata na tila ba wala ng bukas. Mahigpit ang hawak sa liham na buong gabi kong isinulat para lamang hindi maibigay sa kaniya.

Napuno ng panghihinayang aking sistema. Kung hindi ko ba siya pinakawalan...maari bang ako ang nasa puwesto na naghahatid sa kaniya hanggang katapusan? Kung pinilit kong mahalin niya rin ako...posible bang may magbago?

Nais kong malaman...sino ang huling taong laman ng iyong isipan? Hindi na ako ang nauna...tiyak na hindi rin ako ang huli. Mababatid mo ba na kasama mo ako magpasawalang hanggan?

“Sana’y muli tayong magkita sa susunod na buhay. Sana’y...ako naman ang mauna at huli.”

Isang tingin sa alapaap ang aking kinuha bago libutin ng kadiliman ang lahat. Bago maramdaman ang lamig sa aking balat...bago pawiin ang nararamdamang pait at poot.

Nagmamahal,

Davina




Published by: Heather Pasicolan

Date published: November 29, 2021

Time published: 4:11 pm

No comments:

Post a Comment