Monday, December 6, 2021

LITERARY: "Walang Kasiguraduhan" by: Sherume Esyrel L. Callao

 


Kategorya: Tula

Tema: Pagmamahal

Buod: Naguguluhan siya sa mga kilos na ipinapakita ng lalaki, hindi niya alam kung dapat pa ba tumuloy o itigil na ang nararamdaman para sa kanya.

Minsa'y kay hirap mong basahin,

Tila may kislap ang mga mata sa tuwing sakin ay titingin,

Ang mga kilos at salita mong kahit ilang beses kong pilit intindihin,

Ay hindi ko pa rin mawari-wari ang nais mong iparating.

Tula,

Para kang tula na puno ng talinhaga,

'Di malaman ang tunay na damdamin kahit pagtugma-tugmain ang mga salita,

Ako nga ba ang paksa ng bawat mga linya?

O isa lang din akong talinhaga na iyong pinagulo ang halaga?

Musika,

Para kang musika na kay sarap pakinggan,

Bawat matatamis na liriko na yong binibitawan,

Hatid ay paru-paro sa aking kalamnan.

Ako ay nahuhulog, hindi ko na mapigilan.

Sining,

Para kang isang sining na nakabibighaning pagmasdan,

Mahusay na ipininta ang bawat parte ng iyong katauhan,

Kahit na minsa'y magulo at mahirap maintindihan,

Mga mata ko ay hindi magsasawang ika'y tunghayan.

Ngunit tulad din ng iba

Ako'y mapapagod na pagmasdan ka,

Maawa ka at iyong ipakita ang nadarama,

Isantabi ang mga kulay at iba pang pigura,

Hayaan mo kong intindihin ang sining na ikaw mismo ang paksa.

Ititigil na ba o susugal pa?

Kahit na walang kasiguraduhan?

Kahit na umuwi ng talunan at luhaan?

Para lamang kahit minsa'y maranasan,

Ang iyong pagmamahal na nais kong makamtan.

Published by: Aliyah Margareth C. Imbat
Date Published: December 6, 2021 
Time Published: 5:37 PM

No comments:

Post a Comment