Monday, January 24, 2022

LITERARY: "Bagong Mesiyas" ni Erica G. Ildefonso

Klasipikasyon: Prosa

Tema: Okultismo, Kasunduan

Sinopsis: Sa liblib na bayan ng Anahaw, matunog ang pangalang “Lola Sayong”, isang matandang sinasabing marunong manggamot, kumausap sa patay, at magdulog ng pabor sa mga diyos. Ngunit hindi libre ang serbisyo niya.

Lulan ng bus si Elnora, dala-dala ang mga bagaheng puno ng damit, pagkain, at mga tsokolate. Hindi magkamayaw ang ngiting kumikislot sa kaniyang puso dahil matapos ang limang taon, mayayakap na niyang muli ang kaniyang pamilya. 


“Isa na lang, aabante na!” Sigaw ng konduktor sa labas. Rinig niya ang pagsakay ng isa pang tao. Hindi niya ito nakita dahil nakadantay ang ulo niya sa bintana, ang mga mata’y nakatitig sa mga tao-taong kumakain sa malapit na karinderya.


Ilang segundo lang ay umandar na ang sasakyan.


Nagsimula na rin siyang kainin ng antok, kahit pa hindi mapalagay ang sarili dahil sa labis na pananabik. Napainat tuloy siya ng braso at pagkuwa’y sinundan ng malalim na hikab. Sa gilid ng mata niya’y namataan ang isang kaanyuan ng tao. Marahil sa sobrang pag-iisip niya ay hindi niya namalayang mayroon siyang katabi.

Hindi niya mawari ang dahilan kung bakit tila bumagsak ang pakiramdam niya. Maihahalintulad niya ito sa kaniyang pakiramdam noong una siyang sumakay ng eroplano – ang presyon sa tiyan, ang pagtaas ng balahibo, ang hindi maipintang kaba.


Nakatungo ito – hindi tungo na kasama ang balikat, sadyang ang ulo lamang. Ang buhok nito ay namumuti at mahaba. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, binanggit ng kaniyang bibig ang pangalang matagal na niyang nakalimutan.


“Lola Sayong…”


Sa isang kislap ng mata, siya ay nasa tapat muli ng pintuan ng bahay na iyon, na mas mukhang tablang pinagdikitdikit at sinelyuhan ng gawa-gawang seradura. 


“Inang, sigurado ka ba rito?” nakakabit ang kaniyang kamay sa braso ng ina, may kaunting takot dahil kinakain na ng dilim at hamog ang paligid. Kwento pa man din ng kaniyang nakakatandang kapatid na lalaki na ma-engkanto ang bayan ng Anahaw (o maski ang kabuuan ng Labo, Camarines Norte).

Bago pa man siya kibuin ni Dorothea, bumukas na ang pinto at niluwa nito ang isang matangkad na babaeng balot ng bestida at mantilyang pulos itim, kung kaya’t litaw na litaw ang buhok nitong puro uban na (ang tanging senyales ng katandaan nito sapagkat ang hinukod nito ay masyadong tuwid para sa sa edad na nobenta). 


Totoo nga ang bulong-bulungan sa baryo nila, talagang nakakapanliit ang presenya ni Lola Sayong.


“Pasok.” 


Maugong ang boses nito, walang-wala sa katinisan ng kaniyang ina. Kung siya ay tatanungin, talaga namang mas awtaritatibo ito kaya para bang wala sa sarili niyang iginanyak papasok ng salas ang mga paa. Sa loob, tanging ang mga kandila lamang ang nagbibigay liwanag sa paligid at mapapansin agad ang mga santo-santohan sa bawat sulok – karamihan ay kahawig ng santo nila sa bahay ngunit ang iba’y kasing laki niya, at ang lahat ay nakasuot ng roba na pinalamutian ng ginto. Nagsitaasan ang balahibo niya sa pagmamasid dahil tila buhay ang mga mata nito at minamasdan rin siya pabalik. O animo’y sinusuri ang kaniyang pagkatao.  


“Upo kayo.” 


Sa gitna ng salas ay isang malaking bilog na mesa na may mga kandilang kulay naranja at isang kaldero (o palayok, hindi siya sigurado). Nang umupo siya sa tapat nito ay napagtanto niyang bagong kulo pa lang ang luya dahil may usok pang lumalabas rito at amoy na amoy pa rin ang katas.


Nagsimula na ang “orasyon”. Hindi niya maituon ang pansin sa sinasabi ni Lola Sayong sapagkat ang atensyon niya ay lumipat sa mga santo-santohan at imaheng nakadikit sa pader. Kung susuriin, hindi pala ito kawangis ng mga santo-santohan nila sa casa. 


“Ang mga kaibigan kong sumasabay sa hangin ang sasama sayo sa Saudi, Elnora,” ang mga salitang tanging naulanigan niya. Mula sa palayok, kumuha ang matanda ng katas ng luya at ibinuhos ito sa isang maliit na botelya at pagkatapos ay sinelyuhan ng tunaw na pagkit ng kandilang naranja. 


“Hija,” sambit ng matanda at lumapit sa kaniya. Ibinulong nito ang kailangan niyang gawin sa luya. 


Ang kaniyang hinuha ay matatapos na doon ang sesyon ngunit nagulat na lamang siya nang bigla nitong hawakan ang kaniyang ulo at nagwika gamit ang maugong at malalim na boses. Ang palagay niya ay isa iyong enkantasyon sa Latin sapagkat narinig niya ang mga salitang domine, domine na naririnig rin niya tuwing nagdadasal ang kaniyang ina. Tumagal ito nang halos limang minuto bago pumrente ang matanda sa upuan at tumungo. Wala sa sariling napatingin siya sa ina na mukhang naguguluhan rin sa nangyayari. 


“Lola Sayong?” Sinubukang kunin ni Dorothea ang atensyon ng matanda subalit ilang minuto na ang nakalipas at wala pa rin itong tugon.


“Baka nagpapabayad na,” ang biro ni Elnora na mabilis rin niyang binawi dahil tumayo ang matanda at dumiretso sa kusina. Nakatikim tuloy siya ng kurot sa ina.


“Bumalik na lang kayo bukas para sa bayad.”


Nagtaka ang mag-ina. “Bakit po? May pambayad naman kami ngayon,” sambit ni Dorothea sabay kuha ng isang daan mula sa gula-gulanit na pitaka. May natira pang singkwenta pauwi sa Bulusan.


Bago pa man sila makalapit kay Lola Sayong, nagpakawala na ang huli ng halakhak. Maihahalintulad ito sa tunog ng kulog tuwing may bagyo. Maugong, malakas, at nakakakilabot. Muntik nang mapahiyaw ang dalagita kung hindi lang niya natakpan ang bibig. 


“Hindi monetaryo ang bayad sa serbisyo ko, Dorothea,” seryosong wika ng matanda habang nakatalikod pa rin.


Ramdam niya ang malalamig na butil ng pawis na namumuo sa kaniyang noo. Nanlalamig siya sa parehong kaba at hilo dala ng mga santo-santo sa paligid. Gusto na niyang umuwi.


Dahan-dahang lumingon ang ulo ng matanda. Doon lamang nasilayan ni Elnora ang bibig nito na puro nga-nga. Hindi niya mawari kung bakit kinilabutan siya sa ngiti nito. Marahil dahil nakatitig lamang ang mga mata nito sa kanilang mag-ina habang nakangisi o baka ang mismong ngisi nito ang nakakatakot dahil hindi niya alam kung natutuwa ba ito o nagagalit.


“Sige, babalik na lang kami bukas,” manginig-nginig na tugon ng kaniyang ina sabay higit sa kaniya palabas ng bahay ng matanda.


Iyon ang huli nilang pagkikita ni Lola Sayong. Hindi na sila bumalik katulad ng kanilang pangako dala ng labis na takot. Isang linggo ang lumipas at bumiyahe na siya papuntang Saudi kung saan nanilbihan siya sa loob ng limang taon. Maaayos ang trato ng kaniyang amo sa kaniya. Ni minsan ay hindi siya sinigawan o pinagbuhatan ng kamay ng mga ito. Madalas rin siyang makatanggap ng mga regalo at isinasama pa siya sa mga okasyong pampamilya. Talagang gumana ang ipinainom niyang pociΓ³n.

 

Ang buhay OFW ni Elnora ay napuno ng swerte. At kaunting misteryo. Sa unang linggo niya sa kaniyang amo ay ilang beses siyang nakakita ng tatlong anino, padaan-daan sa bawat sulok ng bahay. Para bang ang mga ito ay nagsilbing bantay niya. Katulad ng hiniling niyang pabor kay Lola Sayong. 


Ngunit ang lahat ng pabor ay may kapalit.


At ngayon, nasa harapan niya si Lola Sayong upang maningil ng bayad. Dahan-dahang inangat nito ang ulo at ngumisi muli sa kaniya. Napapikit na lamang siya at nag-usal ng panalangin na nabubulol pa sa kaba.


“Ako ang diyos, hija.”


Isang malakas na kalabog na sinundan ng pagsirko-sirko ng direksyon ng bus. Sa loob, rinig ang kahambal-hambal na hiyaw at iyak ng mga tao.



Published by: Lloyd Agbulos 

Date published: January 24, 2022

Time published: 12:10 PM

No comments:

Post a Comment