Monday, January 24, 2022

LITERARY: "Dasal Sa Umagahang Patayan" By: Loris Charmane I. Calimag

 


Klasipikasyon: Prosa

Tema: Isyu patungkol sa pag-aral

Sinopsis: Marahil ay hindi niyo pa nararanasang mamatay ng sampung beses sa isang araw; masaksak ng sandamakmak na trabaho't bulyaw, palihim na humiyaw habang bumubulagsak ang natitirang awa sa katawan—maligong puno ng pasa ang pag-asa't uminom ng tubig na may halong lason ng panggigisa.


PAKINGGAN NIYO NAMAN ANG PANAMBITAN NIRING MGA BUHAY NA BANGKAY NA NAGNANAKAW NG KALULUWA MASULOT LANG ANG HUWAD NIYONG KARUNUNGAN. 

Itago niyo na lamang ako sa pangalang Pino. Isang bilanggo ng tatsulok na pamamaluktot ng mga uhaw sa hiyaw nang kalansing ng mga barya. Nag-aalimpuyo tuwing nababanaag ang mapang-asar na bukang liwayway dulot ng kalasingan matapos lumaklak nang binulok na luhang idinikdik sa kwadernong pagtangis ang pabalat. 

Pakiramdam ko'y inihahain ko lamang ang aking sarili sa piging nang mapaniil na sistema, upang makasabay sa takbo nang nagkukumahog na oras. 

Maghapong tutok sa librong masimod sa kaignorantehan. Ehersisyo ko'y pagtipa sa teleponong kalakip ay dasal patungong libingan. Maging ang paghimbing ay kailangan pang busugin sa sariling simpatya bago makamtam. Napakaarte ko ba? Pasensya na. Tamad ako, ika nga nila.

Ako na siguro ang pinakaplastik na Magdelana nang makabagong henerasyon. Ngumingiti sa harap ng monitor tuwing umaga kahit tulog pa ang diwa't nakikipaglambingan sa mga aklat kasama ang mainit na haplos ng ala una y media.

"Kung gusto niyong matupad ang pangarap niyo, magsumikap kayo. Huwag kayong tamad."

AKO HO. PANGARAP KONG MAGING PULUBI. PALIMOS HO NG TULOG AT PAHINGA.


Published by: Rhina Ruth T. Galano


Date published: January 24, 2022


Time published: 7:28 PM




No comments:

Post a Comment