Published by: Lloyd Agbulos
Date published: March 25, 2022
Time published: 3:34 PM
Katergorya: Tula
Tema: Kalungkutan
Buod: Mga katanungang gugulo sa isipan kung saan tahimik na ang buwan.
—
Sa isang madilim na kwartong puno ng hinagpis, kalumbayan, at kalungkutan,
naroon ang isang tahimik na binibining hindi na kakikitaan ng kagalakan sa kaniyang mukha.
Dala ang pasakit na ibinigay sa kaniya na tila ba hindi na ito mawawala pa.
Ang lungkot sa mga mata'y sadyang nakahahawa.
Maraming katanungan ang gumugulo sa kaniyang isipan,
kung kailan tahimik na ang buwan.
Sa bawat pagtulo ng mga luha'y
doon nakasaad ang labis na pagkalumbay.
Sa bawat paghikbi'y dinig
ang mga hinaing hindi mailabas ng bibig.
Bakit walang lugar upang makaramdam ng labis na pagkalumbay?
Paano pang maitatago ang mga hinaing sa puso't isipan kung kusa na itong isinisigaw ng mga mata sa pamamagitan ng pagluha?
Bakit hindi maaaring masilayan ng iba ang guhit ng mga luha na mula sa mga mata?
Maiaahon pa ba ang buhay
kung ito'y kusa nang nilalamon ng nakalulunod na kalungkutan?
Maisasalba pa ba ang isipan
kung pighati't kalungkutan naman ang siyang pinipiling kasagutan?
Tuluyan na nga lang bang sasakupin ng kalumbayan ang ikinukubling kasiyahan?
No comments:
Post a Comment