Published by: Renz Mar M. Mangana
Date Published: April 20, 2022
Time Published: 4:29 PM
Kategorya: Prosa
Tema: Idealismo at Pagpapaimbabaw
Sinopsis: Kayo'y trapo sa likod ng isang haring sugarol—baraha'y binalasa gamit ang mga matang nakatiklop.
Kekendeng-kendeng nanaman ang mga talipandas na pinagmamalaking bandera ng isang pusang nagtatago sa anino ng isang mapagpanggap na ebolusyon. Tinimplahan ng putaheng gawa sa dagat-dagatang salapi na inanod mula sa pawis ng mga nanginginig na sikmurang pagkayod ang kasaysayan. Ang kahulugan nila ng payapa ay paraisong puno ng ginto't kwarta, at ang tingin sa laylayan ay laman at buto ng bulyaw at pagrereklamo ng isang butas na bulsa. Kailanma'y hindi nasaksihan ang pagsaboy ng dumi at luray-luray na luho sa mga nanlilimos ng awa mula sa mga naghahari-hariang kuting. Relihiyoso kung sila'y tawagin; tuhod pa'y gasgas na kapapanalangin na mapabuti ang mga batang patpating pinagkaitan ng tahanang may sala't hapag at mainit na kanin.
Ama namin!
Ang bibig pagkuwa'y nagtanim ng mga balang patama sa mga taong nakatindig at umiiyak ng karapatang kinipkip at hindi na ibinalik.
Pakiusap, kung ang pakikiramay sainyo'y idealismo lamang ng isang kaluluwang hiling ay tiyak na kadalisayan, sa mga ulong mula pagkabata'y pasan na ang simbuyo ng impiyerno, ito ay isang kilusan. Nais niyo'y yaman ng lalawigan, ngunit sila'y kasigasigan at paninindigan ng isang kasaysayang binusalan.
Larawa'y ipininta ni Lesley Oldaker.
No comments:
Post a Comment