Thursday, May 12, 2022

LITERARY: "Liwanag o Kadiliman?" Ni Angel Mae Acio

Published by: April R. Despi

Date published: May 12, 2022

Time published: 3:20 PM 


Kategorya: Tula

Tema: Eleksyon

Sinopsis: Sa liwanag ay makikita ang pag-asa, ngunit abot kamay na nga ba natin ang liwanag o patuloy lang tayong nagpapalamon sa kailaliman ng kadiliman? 


Iminulat ang mga mata na puno ng pangamba,

Umaasa na sa dulo'y liwanag ang magwagi sa kampanya.

Ngunit sa gitna ay biglang nahila patungo sa likod,

Ang kadiliman na ba ang maglilingkod?


Sa gitna ng dagat ng walang kasiguraduhan,

Umaasa ang bawat isa na masulyapan—

Kahit maliit na kislap ng nagliliyab na apoy sa kanilang harapan, 

Na siyang magbabahagi ng pag-asa sa kanilang bayan.


Ang kandila'y patuloy na nalulusaw,

Pag-asa ng taong bayan ay malapit nang pumanaw.

Mga bumbilya na tila malapit na mapundi,

Kailan ba ang liwanag ay magwawagi?


Sa kinabukasa'y hinihiling na makita ang pagbabago,

At ang bawat isa ay makamit ang pagiging optimismo.

Sa pagitan ng liwanag at kadiliman na ito,

Manalo sana ang alab ng nasyonalismo.

No comments:

Post a Comment