Saturday, October 8, 2022

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: "Sa Pagitan ng mga Hakbang" ni Lovely Gaye RevaΓ±o

 


Published by: Angel Monique Candelaria 

Date published: October 08, 2022

Time published: 1:25 PM



Sa aking kayamanan,


Bumulong ako noon sa mga tala na parang isang bata. Hiniling kong alayan natin ang isa’t isa ng pagsinta. Kahit katiting na silay sa nararamdam ko sa’yo, sabi ko sa kawalan.


Maari bang ipihit ng tadhana ang landas na tatahakin mo papunta rito sa mga bisig ko? Yayakapin kita, kahit ano pa man ang mayroon ka sa likod ng maskara. Dahil Ikaw iyon— ang kayamanan sa dulo ng bahaghari na handa kong lakbayin kahit walang kasiguraduhan na sa aking pagdating, madadatnan pa kita.


Kung pakiramdam ko’y nauubos na ako, ia-atras ko ang aking mga paa palapit sa’yo sapagkat walang sinuman ang dapat alayan ng pagsintang galing lamang sa tira-tira. Lalo na sa katulad mong dapat alayan nang buo. 


Tinupad naman ng mga bituwin ang hiling ko, naririto ka na sa aking bisig, kahit hindi kasing buo nang inaakala ko. Mula sa magkaibang mga ruta, nagtagpo tayo nang sabay sa iisang dulo.


Totoo pa lang darating ang minutong makikita ka niya sa paraang nakikita mo siya. Nahanap natin ang ating mga kaluluwa sa mata ng isa’t isa.


Hindi ko na kailangang maglakbay nang mag-isa. Wala ka sa dulo ng bahaghari dahil natagpuan kita sa proseso ng maliliit na hakbang ko papunta sa’yo. Tayo iyon, ang mga bahaghari sa mundo.


Cartoon by: Jemina Gonzalez



No comments:

Post a Comment