Published by Mea Nicole Osias
Date Published: February 21, 2023
Time Published: 9:34 AM
Kategorya: Tula
Tema: Pagmamahal
Tula ito maniwala ka,
Saglit, paano nga ba magsimula?
Sapagkat hindi naman ako makata,
Ako tuloy, sa iyo ay nahihiya.
Pumula ang aking pisngi kasabay ng panlalamig.
Napahawak sa batok at tila nanahimik,
Nang sa aking tainga ika'y bumulong.
Natulala ng mabatid na ako ang iyong tipo.
Ani mo'y sinisilihan ang puwit—
Nang ikaw sa akin ay lumapit.
Hinawakan ang aking kamay;
Mga mata mo sa akin ay ngumiti.
Sa bawat hilera ng mga libro,
Ako’y sumisilip sa ganda mo.
Dalawang lamesa ang agwat sa loob ng kwarto,
Iniiwasan ang paglingat,
Ibinaling sa aking libro.
Binibini, pagtawa mo’y nakahahalina.
Kasiyahan mo pala ang pagbabasa.
Napaisip tuloy ako kung regaluhan kita,
Baka sakaling ako’y iyong mapuna.
Isang bugkos ng libro, katabi ang rosas.
Hinihintay na ika’y lumabas.
Puso ko’y tumitibok ng marahas.
Sa kaisipang sa akin ika’y makalampas.
Maaari ba na kamay mo’y aking hingin?
Hindi para saktan ni aking lokohin.
Kung ‘di ikaw ay aking mahalin—
At paligayahin sa aking piling.
Ngiti sa aking labi ay sumilay.
Nang maalala ang munting nakaraan.
Mga araw na nahawakan ang iyong kamay.
Ngayon tayo ay lulan ng sasakyan.
Masayang nagkakantahan habang ako’y sumulyap,
Iyong minamasdan ang ibon sa kalangitan.
Wala mang direksiyon ang pupuntahan.
Ngunit sabay natin tatahakin ang bawat daan.
No comments:
Post a Comment