Thursday, April 6, 2023

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “P(a)gkilala” ni Angel Acio

 


Published by: Aira Lindsay L. Dela Cruz

Date published: April 6, 2023

Time published: 3:59 pm 


Kategorya: Tula 

Tema: Imaheng binuo ng iba para saiyo at Pagpapahalaga sa Sarili


Ako'y napasilip sa daksipat,

Upang maaninagan kung ano ba ang nararapat;

Kung ako pa ba'y nagiging tapat,

Sa pagsuyod ko sa kailaliman ng dagat,

Upang hanapin ang kung anong dapat—

Para sa aking kaluluwang uhaw sa pagiging sapat,


At napaisip kung paano ko dapat ilapat,

Sa dagap ng pagkataong nawawala,

Ang bawat letra na nagsasayawan sa aking mga tenga,

Galing sa mabulaklak nilang mga labi at salita,

Na hirap 'kong maipasok sa'king sistema,


Paano tatanggapin ang kabuuan?

Kung ang abusado'y nilason ako't pinabayaang lumutang

Sa ilog ng pag iisip at kalituhan—

Kung ako ba'y nagtataglay ng halaga't kasapatan,


Sa kabilang banda'y nagpumilit na kumawala,

Sa higpit ng kanilang hawak sa aking leeg at mga paa,

Upang mapanatili ako't bulagin

Sa imahe kong kanilang pilit na nilikha—

Na hindi ko naman hinangad ngunit hindi rin pinuna,


Ang kahinaan ay may hangganan,

Sa dulo'y hawak ko parin ang batayan;

Kung paano ko kikilalanin at pahahalagahan,

Ang bawat hawak kong kakayahan at katangian, 

Na sa kaibuturan ng bawat laman ko'y naninirahan.

No comments:

Post a Comment