Thursday, August 31, 2023

π—™π—˜π—”π—§π—¨π—₯π—˜: "Buwan ng Wikang Pambansa: Ang kasaysayan ng ating wika" by Don Stephen Carl Baclaan

 


Published by: Ayanna Jeane Salmorin

Date Published: August 31, 2023

Time Published: 12:32 PM


Bago mataposang buwan ng Agosto, na siyang ginugunita bilang "Buwan ng Wikang Pambansa" ay marapat na ating alamin ang kasaysayan ng wikang Filipino. 


Mahalagang balikan ang kasaysayan ng ating wika sapagkat mauunawaan natin kung paano ito nagsimula bilang Tagalog, Pilipino, at Filipino na kasalukuyang pangalan ng ating wika. 


Noong si Pangulong Manuel Quezon ay nagsulat ng konstitusyon ng 1935, nabanggit na sa Artikulo 14 Seksyon 3 ang wikang pambansa na nagsasaad na: “Ang Kongreso ay gagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pagpapatibay ng isang wikang pambansa na batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika."


Nagtatag si Pangulong Quezon ng 'Surian' upang mamuno sa pag-aaral at pagpili ng gagawing wikang pambansa. Sila ang gagawa ng pagsasaliksik, gabay at batayan sa pagpili ng wika ng Pilipinas [1]. Bilang pangulo ng Surian na si Jaime de Veyra ay napili niya ang Tagalog bilang batayan ng wikang pambansa. Kung kaya't naglabas si Pangulong Quezon ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 noong 1937, naging opisyal na Tagalog ang batayan ng wikang pambansa. Dahil sa kanyang pagsisikap na magkaroon ng wikang pagkakakilanlan, hinirang siya bilang "Ama ng Wikang Pambansa" [2].


Pinahintulutan ni Pangulong Manuel Quezon noong 1940 ang pagpapalimbag ng Talatinigang Tagalog-Ingles at Balarila sa wikang pambansa. Sinimulan din na ituro ang wikang pambansa sa lahat ng paaralan sa Pilipinas. Taong 1959 ay nagpalabas ang kalihim ng DEPED na si Jose Romero ng Kautusang Blg. 7, nakapaloob sa kautusan na Pilipino ang opisyal na tawag sa pambansang wika. 


Nang nanungkulan si Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ay nakasulat sa konstitusyon ng 1973 sa Artikulo 15 Seksyon 2 at 3 na "Ang Batasang Pambansa ay magsasagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pormal na paggamit ng pambansang wikang Pilipino. Hangga’t hindi binabago ang batas, ang Ingles at Pilipino ang mananatiling mga wikang opisyal ng Pilipinas" [3].


Sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Cory Aquino ay muling binago ang konstitusyon noong taong 1987. Nakasaad sa Artikulo 14 Seksyon 6 na: "Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika."


Ipagmalaki natin kung paano nagsimula ang pambansang wika sapagkat ito ay isa sa mga kagandahan ng ating kultura na maaari nating ipasa sa mga susunod na henerasyon ng bansang Pilipinas. Lubos nating mahalin ang ating wika at gamitin natin sa araw-araw.


References:


[1] Teodoro, J. (2009). Kasaysayan ng Wikang Filipino. https://www.gmanetwork.com/news/topstories/nation/171158/kasaysayan-ng-wikang-filipino/story/ 


[2] Manila Bulletin. (2022, August). Manuel L. Quezon, Ama ng Wikang Pambansa. https://mb.com.ph/2022/8/2/manuel-l-quezon-ama-ng-wikang-pambansa 


[3] Official Gazette of the Republic of the Philippines. (n.d). 1973 Constitution of the Republic of the Philippines. https://www.officialgazette.gov.ph/constitutions/1973-constitution-of-the-republic-of-the-philippines-2/ 


[4] Official Gazette of the Republic of the Philippines. (n.d). The 1987 Constitution of the Republic of the Philippines - Article XIV. https://www.officialgazette.gov.ph/constitutions/the-1987-constitution-of-the-republic-of-the-philippines/the-1987-constitution-of-the-republic-of-the-philippines-article-xiv/

No comments:

Post a Comment