Thursday, August 31, 2023

๐—ž๐—ข๐—Ÿ๐—จ๐— : “Iba’t-ibang Wika, Iisang Bansa, ang Pagdiwang ng Pagkakaisa” ni Michelle C. Saro



Layout by Celyn Clavecillas

Published by: Faith Villaluna

Date Published: August 31, 2023

Time Published: 10:09 AM


Tuwing buwan ng Agosto ay nakasanayan na nating ipagdiwang ang Buwan ng Wika. Ito ay laging idinaraos sa mga paaralan, sa iba't ibang ahensyang pampamahalaan pati na rin ang mga pribadong sektor. Makikita sa bawat nasabing lugar ang mga dekorasyong nagpapakita ng pagmamalaki at pagpapahalaga sa wikang kinagisnan. Kung kaya't ating tuklasin kung ano nga ba ang layunin at kahalagahan ng wika para sa ating mga Pilipino sa panahon ngayon.


Ngayong taon ay inilunsad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang bagong tema para sa buwan ng wika. Ito ay ang “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan” na kung saan ay ipinapakita na ang iba't ibang wika na ating pinapahalagahan ay ang sumasalamin sa katotohanan na ang Pilipinas ay linguistically diversed sapagkat makikita sa kasalukuyang datos ng KWF na nasa 134 ang bilang ng mga wika sa bansa kasama ang Filipino Sign Language (FSL) [1]. 


Nakamamanghang isipin na napapanatili pa ring buhay ang mga katutubong wika na kahit ilang taong nakulong ang Pilipinas sa mga kamay ng mga dayuhan ay hindi pa rin ito nawawala at mas lalong pinapatibay at kinikilala pa sa kasalukuyan. Dahil dito ay napapayaman at napapausbong ng mga wikang ito ang kultura at tradisyong ipinapasa sa mga susunod na henerasyon.


Sa bawat okasyon ay may layunin at ang pagdiriwang na ito ay mayroon din. Isinasaad sa Pampanguluhang Proklamasyon Blg.1041 na ang layunin ngayong Buwan ng Wika ay; maiangat ang kamalayan ng mga mamamayang Pilipino ukol sa wika at kasaysayan nito; mahikayat ang iba’t ibang ahensiyang pampamahalaan at pampribado na makiisa sa mga programang tulad nito na nagpapataas ng kamalayang pangwika at sibiko; maganyak ang mga mamamayang Pilipino na pahalagahan ang mga wika ng Pilipinas sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa mga gawain kaugnay ng Buwan ng Wikang Pambansa; at maipakilala sa mga mamamayang Pilipino ang KWF bilang ahensiya ng pamahalaan na nangangalaga sa mga wika ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga programang pangwika nito [2].


Makikita na ang layuning binanggit sa taas ay may indikasyong paigitingin ang pag-usbong hindi lang ang wikang Filipino pati na rin ang mga katutubong wika na siyang bumubuo sa pagkakakilanlan ng Pilipinas. Mabuting makilahok ang mamamayang Pilipino sa pagpapaangat ng kamalayan at karunungan ukol sa wikang pambansa, mga wikang katutubo at ang mismong kasaysayan nito upang hindi mabalewala kung ano ang ipinaglaban ng ating mga bayani lalo na ang dating Pangulong Manuel Quezon sa ating bansa. 


Napakahalaga ng wika para sa atin. Ito ang nagsisilbing kasangkapan sa pagpapahayag ng ating mga saloobin at mga opinyon na nais nating iparinig sa mundo. Ngunit hindi lang ito ang gamit ng wika, maging sa kapayapaan ay may malaking kapakinabangan ito lalo na sa mamamayang Pilipino. Ang wika ang instrumento sa maayos na ugnayan at pagkakaintindihan ng bawat isa. Dahil dito ay nagkakaroon tayo ng mapayapang komunikasyon hindi lang sa ating mga minamahal sa buhay pati na rin sa mga taong nakapaligid sa atin. Nakakapagpahayag tayo ng mga salitang pangkapayapaan at may mga batas rin tayong nagsusulong ng kapayapaan para sa bansa. 


Isa ring kasangkapan ang wika sa pagiging ligtas ng sambayanang Pilipino. Napakainam gamitin ang wika sa pagpapaalam kung may sakuna mang darating at madali itong maaksyunan sa pamamagitan ng komunikasyon gamit ang wika. Mabisang maipararating sa taumbayan ang kahandaan sa pagharap sa anumang sakuna kung ang bawat pabatid o komunikasyon ukol dito ay nasa wikang gágap at madaling nauunawaan ng publiko [3]. Kung kaya't napakahalaga ng wika dahil ang kaligtasan o seguridad ng bawat isa sa atin ay mapapanatili at mapapatibay pa sa tulong ng paggamit nito.


At hinding-hindi magpapahuli ang ingklusibong pagpapatupad ng katarungang panlipunan. Ang katarungang panlipunan ay sadyang napakaganda para sa ating bansa dahil sa pamamagitan nito ay nalalaman at nauunawaan natin ang mga batas ng pamahalaan at kung ano nga ba ang karapatan ng bawat tao sa ating lipunan. Hindi rito ipinapatupad ang pagiging pagkapantay-pantay (equality) sa lahat ng bagay kung hindi ay dito ipinapatupad ang patas (equity) na pagtrato batay sa kung ano ang kailangan upang magtagumpay. Dahil ang bawat isa atin ay kakaiba o walang katulad, napapahayag natin ang mga pangangailangan natin sa tulong ng wika sa pagkamit ng patas na pagtingin sa ating lipunan.


Napapatunayan ng mga nasa itaas na kahit anong wika ang gamitin; Filipino man o katutubong wika ay nagsisilbi itong instrumento ng kapayapaan, seguridad at ingklusibong pagpapatupad ng katarungang panlipunan sa ating bansa. Masasabi kong tunay ngang napakahalaga nitong ipagdiwang sapagkat kung wala ito ay hindi natin makakamit ang pagkakabuklod-buklod at pagkakaisa ng mamamayang Pilipino. Sa pagdaraos ng Buwan ng Wika taon-taon ay naipapakita rito ang pagiging isa ng buong bansa sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga ideya at mithiin ng mga tao. Ito rin ang sumasalamin sa pagkakakilanlan, kultura at tradisyon ng ating bansa. Kaya, marapat lang itong ipagmalaki dahil ito ang sumasagisag sa pagiging mapayapa, ligtas at pag-unlad ng patakarang panlipunan sa lupang ating ginagalawan.


#


Mga Sanggunian:

[1] Doctolero, J. (2023, Hulyo 27). Tema sa Buwan ng Wika 2023, sumasalamin sa pagiging linguistically diversed ng Pilipinas. Philippine Information Agency. https://pia.gov.ph/.../tema-sa-buwan-ng-wika-2023...

[2] KWF. (2023, Hulyo 07). KWF, puspusan ang paghahanda sa Pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2023. Philippine Information Agency.

https://pia.gov.ph/.../kwf-puspusan-ang-paghahanda-sa...

[3] Pinoy Peryodiko. (2023, Agosto 07). Panitikan at kultura: Filipino at mga katutubong wika: wika ng kapayapaan, seguridad, at ingklusibong pagpapatupad ng katarungang panlipunan.

https://pinoyperyodiko.manilatimes.net/.../filipino.../2026/

No comments:

Post a Comment