Friday, August 25, 2023

𝗞𝗢𝗟𝗨𝗠: "EJK: Kapabayaan na humantong sa Kamatayan" by Abigail Job F. Alla

 


Published by: Hannah Rondaris

Date Published: August 25, 2023

Time Published: 1:50 PM


“Magkahawig kasi” at “Nagkamali lang”; ito ang mga katagang parati nating naririnig kapag mayroong napapatay na hindi naman dapat mapatay. Ilang taon na ang lumipas at narito nangyayari pa rin ang mga karumal dumal na pagpaslang sa mga sibilyan. Hanggang kailan ito maaaring mangyari? Kailan ba magiging ligtas na lugar ang Pilipinas para sa mga Pilipinong wala namang sala.

Anim na taon na ang lumipas ngunit sariwa pa sa aking isipan noong una kong nabalitaan ang nangyari kay Kian Loyd Delos Santos. Siya ay labing pitong taong gulang noong nabiktima at napatay sa gitna ng war-on-drugs ni dating Pangulong Duterte. Agosto 16, 2023 noong pinatay si Kian. Inakusahan siya ng mga pulis na si Kian daw ay nanlaban, may bitbit na kaliber 45 na baril, at dalawang pakete ng pinaghihinalaang shabu—matapos ang dalawang araw ng imbestigasyon, lumutang rin ang CCTV Footage at ipinakita nito na kasinungalingan ang lahat ng sinabi ng mga pulis. Natagpuang guilty sa kasong murder ang tatlong pulis Caloocan na pumatay kay Kian [1].

Si Kian ay walang kalaban laban na pinaslang sa kamay ng ating mga kapulisan—ang katagang “To Serve and Protect” ng mga kapulisan ay nagpawalang bisa na sa tuwing dugo na ang dumadaloy dahil sa kanilang mga bala. Isa lamang ito sa mga pangyayari na kung saan buhay na ang kapalit sa bawat palpak na desisyon. Ngunit si Kian ay hindi nag iisa na nakaranas sa ganitong pangyayari.

Ang nagngangalang Jemboy Baltazar naman ay isang labing pitong taong gulang na naglilinis lamang ng kanyang bangka na pangisda ay napaslang ng mga pulis. Sapagkat siya ay napagkamalang suspek; ang mga pulis ay nagpaputok agad ng kanilang baril kahit hindi pa kumpirmado kung siya ba talaga ang kanilang hinahanap [2].

Isa si rin Jemboy sa mga namatay dahil sa maling akala. Siya ay menor de edad pa lamang at marami pa sanang magagawa para sa lipunan—ngunit naputol agad ang kanyang buhay dahil lamang sa isang kapabayaan. Patuloy na umuugong ang imbestigasyon para sa insidenteng ito.

Ang mga kasong ito ang nagpapatunay na laganap pa rin ang kultura ng pagpaslang sa ating bansa. Ilan lamang sila Kian at Jemboy sa mga naging biktima at binawian ng buhay sa gitna ng laban kontra droga—mga pawang sibilyan na dapat ay pinoprotektahan ngunit nadamay.

Pagsisilbi at pagprotekta sa mga mamamayan ang unang tungkulin ng kapulisan; ngunit ang iba sa mga ito ay tila nalilimutan na ang kanilang sinumpaan. Nararapat lamang na mabigyan ng hustisya ang mga pinatay ng walang kalaban laban. Dapat din na mas paigtingin pa ang pagtuturo at paghihigpit sa mga nag-seserbisyo sa bayan upang walang iba pang susunod na mapapahamak pa.

#

References:

[1] The Kian delos Santos Case: A Timeline. (n.d.). GMA News Online. https://www.gmanetwork.com/.../the-kian-delos-santos.../

[2] Trigger-happy police: The killing of Jemboy Baltazar. (n.d.). Cnn. http://www.cnnphilippines.com/.../The-killing-of-Jemboy...

No comments:

Post a Comment