Thursday, September 28, 2023

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Pagsintang Naglalakbay” ni Danesa Cruz


Published by: Sophia Izabelle Bandiola
Date Published: September 28, 2023
Time Published: 12:07 PM

Kategorya: Tula
Tema: Walang hanggang pagmamahalan


Ako’y naglakbay sa mga linya ng mga titik,
Naghahanap ng katwiran, ng tamang paliwanag.
Sapagkat kahit ang mga hukay ng salita ay hindi sapat,
Upang maipahayag ang sari-saring damdamin.

Hindi sapat ang mga salita, maging ang mga tula,
Upang maipahayag ang lalim ng damdamin sa iyo.
Ika'y isang kahulugan na walang hanggan,
Oh aking giliw, ikaw lamang ang itinatangi.

Sa mga kislap ng umaga, ang iyong mga mata'y nagigising,
Bukang-liwayway na humahalina, naglalaho ang mga luhang nagpapalaya.
Ang iyong kagandahan ay parang rosas na lumalaho't sumisibol,
Sa hardin ng pagmamahalan, mga puso’y naglilingkod.

Hindi sa mga kuwento, ni sa mga haplos,
Nababatid ang malalim na kahulugan ng ating pagtitinginan.
Sa mga titig na nag-uusap, mga ngiti na naglalambingan,
Dito nabubuo ang langit ng ating pagmamahalan.

Hindi kita niyakap nang ilang ulit upang iwanan,
Ako'y mananatiling tapat, walang pag-aalinlangan.
Sa ating panata, sa ngalan ng bayan,
Tayo'y kawal at bayani ng pagmamahalan.

Hindi tayo nagbuo ng mga alaala sa bawat oras,
Upang sa iyong paggising, ang pag-ibig ay mawala.
Hindi ako bumati sa simula upang magpaalam sa huli,
Ang ating pag-ibig ay magliliyab hanggang sa kawalan ng hangganan.

Sa bawat tukso, sa bawat unos na ating hinaharap,
Ang ating pag-ibig ay matatag, hindi matitinag.
Sa mga gabing malamig, sa mga araw na puno ng liwanag,
Ang mga bituin ay sumasayaw, sumasaksi sa ating wagas na pagmamahalan.

IMAGE SOURCE:
Mirabueno, G. (n.d). Filipino Culture. https://www.pinterest.ph/pin/15692298693844392/



No comments:

Post a Comment