Published by: Marino Peralta
Date Published: November 9, 2023
Time Published: 7:20 AM
Kategorya: Prosa
Tema: Iba't ibang hamong kinakaharap ng bawat indibidwal sa pagtatangkang makamit ang kanilang mga mithiin
Sa panahon ngayon, maraming estudyante ang ibinibigay ang kanilang dugo’t pawis upang makamit ang kanilang mga minimithi–-isa na roon ang makakuha ng medalya.
Oo, masaya. Ngunit mahirap. Mahirap talaga.
Lalo na’t kay raming bagay ang humahadlang sa kanila. Katulad lamang ng kanilang mga responsibilidad sa kanilang tahanan at pati na rin ang kapaligiran na nakapalibot sa kanila. Tunay na ito’y naka-aapekto sa kanila dahil ang iba ay lagpas sa abilidad ng kanilang mental na kalusugan na kayanin ang ganoong klase ng sistema.
Iba-iba ang kanilang stratehiya upang kayanin at pagsabay-sabayin ang lahat ng mga nagaganap sa paligid. Ang ibang estudyante ay nagpupuyat at sa eskuwelahan na lamang natutulog. Ang iba nama’y hindi na nakakakain sa tamang oras, dahil na lamang sa tambak ng kanilang gawain, parehong sa tahanan at paaralan. Naisin man nila na tapusin ang kanilang nasimulan upang makamit ang kanilang minimithi, ngunit hindi talaga sapat ang lahat.
Kung kaya’t ang iba ay naiiyak na lamang sa kanilang paghihirap. Ngunit isa lamang ito sa mga bagay na normal at nararapat nilang madama sa tuwing bumibigat na ang ating nararamdaman at ito ang nagpapatunay na ang kanilang emosyon ay nagiging pisikal. Ang iba nama’y sumusuko na lamang dahil iniisip nila na hindi ito ang landas na para sa kanila, kahit na ito ang daan na gusto nilang tahakin. Alam nila na marami pang oportunidad ang naghihintay sa kanila, pero hindi naman ito ang kanilang kagustuhan. Meron ding iba na pinipili na lamang na iwanan ang kanilang mga pangarap. At ang ilan nama’y ipinupursige ang pangarap na kailanma’y hindi nila pinangarap, masunod lamang ang kagustuhan ng kanilang mga magulang at matuwa lamang ang mga taong nakapaligid sa kanila.
Maraming pagkakataon pa rin ang dadating sa ating mga estudyante, na malay natin, magbigay ng totoong kasagutan sa atin kung bakit hindi natin naabot o nakamit ang mga bagay na buong puso nating pagtutuunan ng pansin. Ipagmalaki rin natin ang bawat tagumpay natin sa buhay, maliit man ito o malaki, dahil ito’y ating pinaglaanan ng oras at pinaghirapan.
Tayo’y palagi ring maging maingat sa bawat kilos at salita natin at magkaroon ng konsiderasyon sa bawat isa dahil hindi natin tukoy ang pinagdadaanan ng bawat tao na nakapaligid sa atin. Ngunit huwag na huwag nating kalilimutan na palaging mayroon tayong kaagapay sa bawat hamon natin sa buhay.
No comments:
Post a Comment