Thursday, April 25, 2024

π—žπ—’π—Ÿπ—¨π— : "Byaheng ambulansya" ni Abigail Job F. Alla

 


Dibuho ni Rio Traje
Inilathala ni: Shernes Saldon
Petsang Inilathala: Abril 25, 2024
Oras na Inilathala: 3:19 PM 


Sa bansang Pilipinas, trapiko ay isang matinding kalaban na araw araw kasama ng mga motorista. Lalo na sa EDSA— ito ay tanyag na ruta ng daan dahil dito madalas nagkakaroon ng trapiko. Noong 2016 naiulat ng MMDA na mas dumoble pa ang trapiko sa EDSA [1]. Ngunit paano kung ang ruta ng iyong sinasakyan ay patungong ospital dahil ikaw ay nag-aagaw buhay? Aabot pa kaya kahit nasa gitna ng trapiko?


Naging normal na pangyayari na lamang ang problema sa daloy ng trapiko na ito. Ngunit hindi lamang mga motorista na papasok sa trabaho o pupuntahan ang natatanging nadaan sa lugar na ito. Dinaraanan din ito ng mga nag-aagaw buhay na papuntang ospital. Maraming katanungan na nga ang lumilitaw sapagkat buhay na ng mamamayan ang pinag-uusapan.


Noong ika-apat ng abril, nakausap sa isang panayam ng GMA News ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Dito napagalaman na hindi pinapahintulutang dumaan ang mga ambulansya na walang sakay na pasyente sa EDSA Carousel [2]. Isa itong daanan ng mga bus sa EDSA na kadalasang natuturingan na fast lane dahil mga bus lamang ang maaring dumaan dito.


Ang mga ambulansya na parating kailangang mabilis makarating sa kanilang destinasyon ay naging opsyon na ang pag daan sa EDSA Carousel upang mapabilis ang kanilang byahe. Dahil bawat segundo ay mahalaga. Buhay ang nakataya sa bawat byahe na kanilang tinatahak. Ngunit ang alituntunin mula sa MMDA na nagbabawal sa mga ambulansya na dumaan at sila ay pinapahinto upang patawan ng parusa ay tila bang mas delikadong gawain.


Tagapagligtas ang mga taong nasa loob ng isang ambulansya, ngunit paano sila makakapag ligtas kung sila ay lilimitahan tulad sa mga daanan? Ang mga ganitong usapin ay maaring masolusyunan kung ang pinaka puno't dulo ay magagawan ng paraan—ang problema sa trapiko. Hindi naman na kakailanganin ng mga sasakyang pang responde dumaan sa EDSA Carousel kung maayos lamang ang daloy ng mga sasakyan sa daan. Hindi na rin nararapat na pahintuin pa nila ang mga ambulansyang dumaan dito dahil maaring sila pa ang maging dahilan upang hindi makapag responde agad at maaaring mayroong buhay ang maapektuhan.


Ang gobyerno at mga ahensya ay dapat pagtuunan ng pansin ang pagbibigay ng pang matagalang solusyon sa mga ganitong problema. Ang pagbibigay ng alituntunin tungkol lamang sa mga pagbabawal ay nagmumukhang panakip-sugat lamang sa isyu. Dapat na magkaroon ng maayos na plano upang maibsan na ang trapiko dahil maraming mamamayang Pilipino na ang naapektuhan nito.


MGA SANGGUNIAN:

[1] GMA News. (2016, December 7). EDSA traffic doubled in the past five years, says MMDA. GMA News Online. https://. www.gmanetwork.com/news/topstories/. metro/591522/edsa-traffic-doubled-in-the-past-five-years-says-mmda/story/.


[2] GMA Integrated News. (2024, April 4).
Ambulance on way to fetch patients not allowed on EDSA carousel. GMA News Online. https://www.gmanetwork.com/news/. topstories/metro/902683/ambulance-on-way-to-fh-patients-not-allowed-on-edsa-carousel/story/.
#:~:text=Ambulances%20without%20patient s%200n%20board, fetch%20patients%20in% 20emergency%20cases.

No comments:

Post a Comment