Thursday, April 25, 2024

π—žπ—’π—Ÿπ—¨π— : “Gumagawa ng batas, sumusuway sa batas” ni Abigail Job F. Alla


Dibuho ni Jowena Decena

Inilathala ni: Rezy Jyn Veradio 

Petsang Inilathala: Abril 25, 2024

Oras na Inilathala: 11:30AM


Ang mga nasa katungkulan o gobyerno ay itinalaga ng mga mamamayan upang sila ay magserbisyo sa bayan—hindi upang magmalaki at magmataas. Ngunit hindi na maitatanggi ang mga pangyayari kung saan ang mga opisyal ay namamataang nag aastang sila ay mas mataas sa batas.

Noong ika-12 ng abril, naiulat sa GMA News ang isang babae na dumaan sa EDSA Busway at nang siya ay kinausap ng mga enforcer sinabi niya na siya ay isang pamangkin ng isang heneral at miyembro ng militar na kabilang sa Balikatan Exercises [1]. Iginigiit ng naturang babae na siya ay hindi na dapat sawayin sapagkat pamangkin siya ng isang heneral. Isa na palang pribilehiyo ngayon ang pagiging kamag-anak ng nasa tungkulin?

Isang halimbawa ang pangyayaring ito na kung saan makikita ang pagiging superiyor sa isip at umasta ang mga ilan na nasa tungkulin. Sila ay dapat na nagseserbisyo sa publiko at hindi ginagamit ang katungkulan upang mapadali ang kanilang mga buhay. Walang kahit sino man ang nakakataas sa batas dahil ang batas ay mananatiling batas.

Sa isang pangyayari naman, sa halos kaparehong kaganapan, makikita ang isang sasakyan na mayroong plakang numero 7 ang dumaan sa EDSA Busway—ito ay daanan lamang ng mga bus. Ang plakang ito ay kadalasang ibinibigay sa mga senador lamang. Inamin at humingi rin naman agad ng tawad si Senator Chiz Escudero dahil sa kanya ang plaka na ito [2].

Ang mga ganitong usapin ay nagaganap dahil marami pa rin sa mga nasa katungkulan ang mayroong kaisipan na sila ay hindi sakop ng batas. Kung saan ang mga simpleng Pilipino ay agad na mapaparusahan ngunit sila ay tila ba mayroong “free pass”. Dito na rin makikita ang kawalan nila ng disiplina.

Ang mga taong nasa serbisyo ay dapat gumagalang sa batas at disiplinado. Hindi dapat sila sumusuway sapagkat paano pa sila magiging mabuting ehemplo sa mga mamamayan kung sila mismo ay pasaway? Dito na rin makikita kung nagtataglay ba ang isang opisyal ng mga mabuting kaugalian ng isang taong nasa gobyerno. Kung sila ba ay karapat-dapat na bigyan ng posisyon.

Mga batas ay dapat pang mas paigtingin at ang mga mamamayan ay dapat din maging mulat sa mga nangyayari at ginagawa ng mga opisyal sa paligid. Hindi na dapat pang pagkatiwalaan ang mga nagseserbisyong publiko na hindi naman marunong sumunod sa simpleng batas. Kung tayo ay nagagalit sa mga taong sumusuway sa batas, ganoon din dapat sa mga nasa tungkulin—walang “double standards” ang dapat na maganap.

MGA SANGGUNIAN:

[1] GMA Integrated News. (2024b, April 12). Woman on EDSA busway: I’m the niece of major general. . . tama na ’yan. GMA News Online. https://www.gmanetwork.com/news/topstories/metro/903495/woman-apprehended-on-edsa-busway-tells-traffic-enforcer-she-s-general-s-niece/story/

[2] Valmonte, K. (2024, April 12). Who’s next? Chiz Escudero is latest politician to apologize for improper use of EDSA bus lane. RAPPLER. https://www.rappler.com/philippines/chiz-escudero-apologize-using-edsa-bus-lane/

No comments:

Post a Comment