Inilatlaha ni: Sarah Belamide
Petsang inilatlaha: Agosto 13, 2024
Oras inilatlaha: 9:15 AM
Kategorya: Prosa
Tema: Pangungulila at pagdadalawang isip.
Gusto kong kailanganin mo ako na para ba akong pasahero sa likod ni manong na drayber ng dyip. Gusto kong tawagin mo ako para maiabot mo ang bayad mo at madala ka kung saan ka man patungo. Gusto ko na ako ang mag-aabot ng sukli mo para masigurado ko na naibabalik ng tama kung anuman ang naibigay mo.
Gusto kong makita kang umuusog paunti-unti sa patungo sa harapan kapag may mga taong sumasakay, indikasyon na medyo malayo ka pa sa iyong paroroonan.
Kung inaantok ka, hinding-hindi ako magiging madamot at pwedeng-pwede mong isandal ang iyong ulo sa balikat ko, ang sa akin lang ay kung gusto mo. Hindi ako papara hanggat hindi mo iniaangat ang iyong ulo, lumagpas man ako sa destinasyon ko.
Kapag kumulog at bumuhos ang ulan, gusto kong makita na sabay natin ibababa ang trapal at manghihingi ng basahan. Para bang tayo'y nasa iisang tirahan at sinisiguro na ligtas ang ating kinatatayuan. Alam kong minsan ay nakakabigla pero hinihiling ko na paulit-ulit sanang tapakan ni manong ang preno, para paulit-ulit ka ring tatalsik papunta sa akin gaya ng pangarap ko.
At kapag iyong naamoy ang usok, handa akong magwisik ng pabango, kung masyado namang mainit handa akong pumito upang maakit at sumayaw ang mga puno. Kung hindi ka komportable sa iyong pwesto, handa akong makipagpalit at mapunta sa dulo, basta't marinig ko lamang ang pasasalamat sa boses mo.
Basta't handa ako, handa ako sa kung anumang hilingin mo habang ang dyip na ito'y tumatakbo. Pero kung hindi mo talaga nais na magpahinga sa balikat ko, at kung naiirita ka na sa bawat paghinto't pagpreno, at atat na atat kanang mag berde ang ilaw ng trapiko. Ako na lang ang papara para sa'yo, ako mismo ang magsasabi kay manong na itigil na dahil narating mo na ang destinasyon mo.
Pero pasensya dahil hindi pa ako pwedeng bumaba rito, masyado pang malayo ang terminal ko. Mag-ingat ka sa pagbaba dahil medyo madulas, kumapit ka sa hawakan at kahit sa akin ka lang kumalas, ayos lang. Basta pagbaba mo, magpapatuloy ka sa paglalakad at hindi hihinto para tignan ang dyip na ito. Babakas pa rin ang pigura mo sa upuan, at pipilitin kong hindi iyon matabunan. Baka sakaling pumara ka ulit, at sa pagsakay mo sa panahong iyon ay handa kana sa byaheng hindi minadali at pilit.
No comments:
Post a Comment