Inilathala ni: Lean Miguel Tizon
Petsang Inilathala: Agosto 12, 2024
Oras Inilathala: 12:06 PM
Kategorya: Prosa
Tema: Pagtatagpo ng dalawang tao sa hindi inaasahan
Madilim ang kalangitan at ang istasyon ng tren ay punong-puno ng mga taong sabik nang makauwi sa kanilang tahanan at magpahinga kasama ang kanilang mga pamilya. Sa bawat kawala ko ng buntong-hininga ay ang bawat dama ng aking pagod matapos ng mahabang araw. Sa wakas, makakauwi na rin. Nang ako’y makaupo ay roon kita napansin. Nakaupo ka sa tapat ko habang tahimik na nagbabasa ng libro, mahaba at kulot ang iyong buhok, at ang mga mata mo’y kumikinang habang binabasa ang mga teksto na nasa libro na hawak mo. Hindi ako nagbibiro kapag sinabi kong tumigil sa pagtibok ang aking puso nang makita ko ang iyong ngiti.
"Ang ganda mo."
Agad akong nakaramdam ng kuryosidad. Gusto ko malaman ang pangalan mo. Gusto kitang makilala. Gusto kita makausap tungkol sa librong binabasa mo. Kung kailangan ko pang lumampas sa aking babaan ay gagawin ko.
Posible ba ‘to? Ang mabighani sa isang magandang estranghero na ngayong gabi ko lang naman nakita? Love at first sight ba ‘to? Siguro. Gusto kong tumayo mula sa aking kinauupuan at lapitan ka, ngunit tila ba ako’y naduduwag at hindi makagalaw. Baka matakot kita sa kagustuhan kong makilala ka.
Nang marinig kong bumukas ang mga pinto ay roon ako nadismaya. Ito na ang aking babaan. Ni hindi ko man lang matatanong ang kaniyang pangalan. Dahan-dahan kong iniangat ang aking mga mata at agad akong natigilan nang nakatingin ka rin sa akin. Unti-unti akong nakakaramdam ng kaba nang ika’y tumayo at inilahad ang iyong kamay sa akin at naisipan mong magpakilala dahil napansin mo ang Nana keychain sa aking bag. Gano’n na lamang din ang gulat ko nang umupo ka sa aking tabi habang masayang kinekwento na paborito mo ang palabas na ‘yon.
Napaisip ako. Kung hindi ako sumakay sa tren na ito, hindi ba kita makikita? Kung agad akong bumaba, hindi ko ba malalaman ang pangalan mo? Ang daming tanong na nabuo sa aking isipan, ngunit isang bagay lang ang sigurado ako—ayos sa’kin na bumaba sa susunod na istasyon kung ang ibig sabihin no’n ay may pagkakataon akong makausap ka.
No comments:
Post a Comment