Petsang Inilathala: Oktubre 7, 2024
Oras na Inilathala: 12:28 PM
Nagbabagang bola ang kinamada ng Magnolia Hotshots upang itabla ang serye laban sa Rain or Shine Elasto Painters, 1-1, sa ikalawang laro ng kanilang serye sa kwarterpinal ng Philippine Basketball Association (PBA) Governor's Cup noong Biyernes, Setyembre 27, 2024 sa Santa Rosa Sports Complex, Laguna.
Umarangkada kaagad ang Hotshots sa unang hati ng laro at tinambakan ang Elasto Painters na umabot sa 27 puntos, 32-5 run sa pagtatapos ng ikalawang kwarter; lumaki sa 38 puntos ang kalamangan ng Hotshots sa pagtatapos ng unang hati.
Matapos ang pasabog na simula ng Hotshots, nanatili silang may determinasyon at hindi na hinayaang makahabol ang Elasto Painters hanggang sa pagtatapos ng bakbakan.
Ang bagong angkat ng Magnolia Hotshots na si Jabari Bird ay kumana ng 22 puntos, 13 rebounds, at dalawang assists para sa kanyang unang laro sa Magnolia.
Nagpakitang gilas din si Calvin Abueva ng double-double na istatistika, 18 puntos, 10 rebounds, na may tig-dalawang steals at blocks, pumukol din si Marc Barocca ng 11 puntos at 10 assists.
Nanguna si Adrian Nocum na may 13 puntos at Felix Lemitti na may 11 puntos para sa Rain or Shine Elasto Painters.
"It's not the numbers but it's the aura, the positive aura and the positive vibes of JB. I told him na ang kailangan lang namin is contribution on the little things, rebounding and the energy which I think is nabigay sa amin ni JB 'yun. I'm very proud and thankful sa locals namin kasi 'di sila nag-give up." sabi ng Magnolia head coach na si Chito Victolerio.
Ibinahagi ng punong coach ng Magnolia ang ganyang kagalakan sa ating mga local players na nagpakita ng maganda at positibong laro.
Ang pagkamayagpag ng Hotshots sa Elasto Painters ay nagdulot ng pinakamalalang talo para sa Elasto Painters sa kasaysayan ng kanilang koponan.
No comments:
Post a Comment