Disenyo ni: Charisse Mae Suson Ardeza
Inilathala ni: Annika Howie Quizana
Petsang Inilathala: Nobyembre 12, 2024
Oras na Inilathala: 10:56 AM
Kategorya: Tula
Tema: Pangungulila sa mahal nating namayapa
Palubog na ang araw, agos ng alaala'y biglang dumagsa,
Ngiting namumutawi sa labi, panahong ika'y kasama.
Sa mga yakap na mainit, mga sandaling kay tamis,
Mga halakhak natin, dulot sa puso'y ligayang labis.
Bawat sandaling oras ng pangungulila,
Sa isip, binigyang buhay muli ang iyong mga salita.
Mga binitawang kataga mula sa taos-pusong damdamin,
At mga mithiing plinano nating dalawa nang taimtim.
Mundo'y tila tumigil, naiwan akong mag-isa,
Sa damdamin na lang makakapiling, at sa bawat katha.
Bagamat pinaghiwalay, nasa dako na ng kabilang buhay,
Hindi kalilimutan yaong pag-ibig na inalay.
Lumamig ang hangin, tila may binulong sa akin,
Na huwag mag-alala, sa tabi ko, siya'y nariyan pa rin.
At nang mawala na ang araw sa paningin,
Alaala ng kahapon, sa puso, hindi kailanman lilimutin.
PINAGMULAN NG IMAHE:
πBlue Angelπ€πͺ½. (n.d.). ππͺ½π€πͺ½. Pinterest. https://pin.it/72lFjSKAA
No comments:
Post a Comment