Disenyo ni: Misha Mikylla S. Sanchez
Inilathala ni: Dionne Jheoff A. Mendoza
Petsang Inilathala: Nobyembre 12, 2024
Oras na Inilathala: 12:14 PM
Kategorya: Tula
Tema: ang unti-unting pagkawala ng inspirasyon at sigla sa pagsusulat
Isang makata na dating masikhay,
Mga nabuong tula't kwento sa husay na tinataglay.
Subalit kumuyom na ang kaniyang mga kamay,
Salitang unti unting nauubos, mga kwentong nawalan na ng saysay.
Ang papel na noo'y makulay, ngayo'y lumamlam—
Kaniyang mata'y wala nang pag-asang kuminang.
Ang nananalatay na galak sa pagsusulat, unti unting nalulumbay, lumalabo,
At ang tinta ng panulat ay dahan dahan nang nauubos at natutuyo.
Hanggang sa tuluyang nawala ang alab ng pag-sinta,
Ang pusong noo'y busilak ang pag ibig sa sining ng wika.
At ang mga haplos ng dila na ngayo'y inabandona,
Hindi na lumiyab, tuluyan nang naupos ang kandila.
No comments:
Post a Comment