Monday, November 11, 2024

π—Ÿπ—”π—§π—›π—”π—Ÿπ—”π—œπ—‘: "Liwanag ng Rosas: Ang Kamangha-manghang ekspidisiyon sa politika ni Atty. Leni Robredo" ni Kyla Joy Pontiga

 



Disenyo ni: Heleena Aira

Inilathala ni: Kristine Caye Emono

Petsang Inilathala: Nobyembre 11, 2024

Oras na Inilathala: 5:35 PM


Pag-asa, Pagkakaisa, at Katapatan. Ang tatlong katangian na ipinapakita ni dating Bise Presidente Atty. Leni Robredo at ng kaniyang grupo sa kasalukuyang pagdagsa ng Bagyong Kristine. Ang kaniyang non-profit organization na tinatawag na "Angat Buhay" ay nakatuon sa pagbibigay ng pag-asa sa mga Pilipino sa aspeto ng bolunterismo at pagtutulungan lalo na sa mga pagkakataon ng kalamidad. Sa panahong ito, si Atty. Robredo at ang kaniyang koponan ay nakikipagtulungan sa bawat Pilipino sa pagtulong sa mga kapus-palad na naapektuhan ng malalakas na bagyong humahagupit sa ating bansa. 

Bagamat natapos ang kaniyang pambansang tungkulin noong 2022, nanaig naman ang kaniyang paglilingkod sa bansa. Sa kaniyang pagbaba sa posisyon bilang Bise Presidente, patuloy siyang nagbigay ng pag-asa sa bawat Pilipino sa kanyang tulong sa kanyang mga programa at resibo na lalong nagpapatibay sa kanyang titulo bilang "Liwanag sa Dilim."

Kilala si Atty. Robredo sa kaniyang katapatan sa serbisyo mula sa simula ng kanyang propesyon sa pulitika. Sa kaniyang ekspidisiyon sa larangan na ito, siya ay nagpakita ng matibay na kredibilidad, programa, at resibo. Ang katapatan na ito ay tunay na nagsilbing simbolo ng pag-asa para sa mga Pilipino. 

Sa pagsisimula niya sa kaniyang serbisyo noong 2013, ano ang mga programang nailunsad ni Atty. Robredo na nagpatunay na siya ang modelong pinuno para sa mga Pilipino? Tuklasin kung ano ang naging inspirasyon niya sa pagiging isang rosas na kilala siya ngayon sa kaniyang paglalakbay sa pulitika.

MALA-ROSAS NA TUNGKULIN

Ang bawat tungkulin ay may kuwento, ganoon din ang nangyari kay Atty. Robredo. Taong 2012, ang taon na pinakamalungkot para kay Atty. Leni sapagkat ang kaniyang pinakamamahal na asawa na si Jesse Robredo ay namatay sa isang plane crash. Si Jesse ay dating Secretary ng Interior and Local Government ng bansa. Ang pagkamatay nito ang nagsilbing inspirasyon para pumasok sa mundo ng pulitika si Atty. Leni Robredo.

Bago pa man tumakbo sa posisyon, si Atty. Robredo ay nagtrabaho bilang isang abogado at economist. Sa kaniyang mga karanasan sa mga trabahong ito, siya ay tumakbo at nanalo bilang representative mula sa ikatlong distrito ng Camarines Sur noon 2013. 

Ang kaniyang karanasan bilang isang public servant ay naghugis sa kaniyang plataporma na kaniyang madadala sa kaniyang pagiging bise presidente. 

Pagkatapos ng paninilbihan nito bilang isang representative, siya naman ay tumakbo bilang bise presidente noong taong 2016. Siya naman ay muling pinagkatiwalaan ng tao at nanalo sa posisyon kasama ang dating presidenteng si Rodrigo Duterte. 

Tapat ang katangian na maihahambing sa kaniyang serbisyo sa panahon na ito. Sa kaniyang pamumuno, ang kaniyang opisina o ang Office of the Vice President (OVP) ay nakatanggap ng pinakamataas na audit rating mula sa Commission on Audit o  COA. Ayon sa COA, ang opisina ni Atty. Robredo ay nakapagbigay ng maayos na pahayag sa pananalaping nakalaan sa kanila. 

Noong 2022 ay nagtapos ang kaniyang terminolohiya bilang bise presidente. Sa parehas na taon, muli siyang tumakbo sa larangan ng pulitika bilang nag-iisang kandidatong babae sa pagka-presidente. Siya ay nabigong makuha ang posisyon laban sa kasalukuyang presidente na si Ferdinand Marcos Jr. 

Ngayon, taong 2024, siya ay muling susubok na magbigay liwanag sa kaniyang bayan na pinagmulan, ang Naga City, sa kaniyang pagtakbo bilang Mayor ng kanilang lungsod. 

Bagaman natapos ang kaniyang pambansang responsibilidad, hindi naman nagtapos ang kaniyang pagmamahal sa mga Pilipino at sa bansang Pilipinas. Siya ay patuloy na tumutulong sa mga mamamayan gamit ang kaniyang mga programa nagbibigay ng liwanag at pag-asa sa lahat.

ANG LAKAS NG ROSAS

Ang kulay rosas ay may angking liwanag sa panahon ng pangangailangan. May posisyon man o wala ay pinatunayan ni Atty. Robredo na ang pagtulong ay hindi kinakailangan ng mataas na kapangyarihan kung hindi ay ang higit na pagmamahal sa bansa. Sa bawat pag-asang ibinibigay ng dating bise presidente ay binubuo ng pagkakaisa mula sa kaniyang grupo at ng sambayanang Pilipino. Dahil sa bayanihan na ito, maraming programa para sa lahat ang napatupad, pinapatupad, at ipapatupad ni Atty. Robredo.

Noong siya ay naninilbihan sa publiko bilang bise presidente, ang kaniyang opisina ay nagbigay pokus sa mga nasa laylayan. Gamit ang mga nakalaang badyet sa kaniyang grupo, siya ay nakipagtulungan sa iba't ibang organisasyon upang magpatupad at magpatibay ng imprastraktura at mga programa para sa kababaihan, kabataan, edukasyon, at kalusugan ng lahat. 

Noong ika-1 ng Hulyo taong 2022, pagkatapos ng kaniyang termino, nagpatuloy pa rin ang kaniyang pangako at servisyo. Inanunsyo ni Atty. Robredo ang kaniyang non-government organization na tinawag niyang "Angat Buhay." Ang organisasyon na ito ay naglalayong magbigay tulong sa mga mamamayan na kasama sa "marginalized sector," katulad ng kaniyang layunin noong siya pa ay nakaupo sa pwesto ng pagka-bise presidente.

Ang mga ito ay iilan lamang sa mga pambihirang programa na naipatupad ni Atty. Robredo. Ang kaniyang programa ay naging inspirasyon sa lahat upang magbigay aksiyon sa mga napapanahong isyu sa ating bayan. Ang mga programang ito ay patuloy na nagsisilbing plataporma sa patuloy na pagbibigay tulong sa pag-angat ng buhay ng bawat isa kahit sa simpleng paraan na ating makakaya.

ANG TAGUMPAY NG ROSAS

Ang programa ni Atty. Robredo ay hindi lamang plataporma sa pagtulong kung hindi ay hakbang na rin tungo sa pagbabagong ating inaasam. Ang mga naipatupad na programa ng dating bise presidente ay nagbigay ng malaking pagbabago sa ating bansa. Nagbukas din ito ng maraming oportunidad sa bawat isa sa larangan ng bolunterismo at sa pagbabayanihan.

Resulta ng pagkakaisa na pinangunahan ni Atty. Robredo, ang kaniyang grupo at ang lahat ng nakiisa sa kaniyang plataporma ay nakaipon ng P82.14 milyon para sa pangangalaga ng kalusugang mental at malnutrisyon. Ang perang ito ay nagamit upang makapagpatayo ng mga imprastraktura para sa kalusugan ng isip. Sila rin ay nakaipon ng halagang P39.49 milyon na nakatulong upang magkaroon ng mga feeding program sa iba't ibang komunidad para labanan ang malnutrisyon ng mga kabataang Pilipino. 

Halagang P122.96 milyon naman ang naipundar ng grupo ni Atty. Robredo para sa kalidad na edukasyon.
Ang perang ito ay nagamit upang makapagpatayo ng 81 na panibagong silid-aralan sa iba't ibang bahagi ng bansa. Isang halimbawa na nito ang Siayan National Highschool sa Siayan, Zamboanga del Norte at ibang paaralan sa Bukidnon, Samar, at Negros Oriental. 

Ang Angat Buhay, ang maituturing na "best legacy" ni Atty. Robredo ay may malaking tulong din sa mga nangangailangan sa bansa.
 
Ang organisasyon na ito ay naglunsad ng iba't ibang social media accounts upang mas marami pang boluntaryo ang kanilang maabot gamit ang makabagong teknolohiya. Dahil dito, dumami ang nakiisa sa programa ng dating bise presidente at sila ay nakaipon ng malaking badyet hindi lamang mula sa mga Pilipino kung hindi na rin sa mga tao mula sa ibang bansa.

Gamit ang naiipong badyet mula sa iba't ibang mamamayan, Ang Angat Buhay ay nagkaroon ng iba't ibang programa para sa mga cancer patients at pati na rin sa mga taga-pangalaga nito. 

Ang pera ay nagamit din upang makapagpatayo ng disaster preparedness and response center sa pakikiisa ng iba't ibang charity organization katulad ng CSS Gives Philippines. 

Ngayong taon, buwan ng Hunyo, ay nakapagbigay tulong din sila sa 86, 234 na pamilya, 12, 015 na benepisyaryo, at nakapagpatayo ng 28 na panibagong silid-aralan para sa mga mag-aaral. 

Ang institusyon na ito ay patuloy na kumikilos hanggang ngayon pati na rin ang pagbibigay ng mga mapagkakatiwalaan na ebidensiya sa pinaggagamitan ng mga badyet na nakalaan para sa kanila. Ang aksiyon ay makikita rin natin sa kanilang aktibong pagtulong sa mga nasalanta ng bagyong Kristine sa iba't ibang lugar katulad ng Naga City, Camarines Norte, at Albay.

Sa pamamagitan ng kaniyang NGO, ang kaniyang legasiya ay lalong tumatak hindi lamang sa mga panandaliang tulong kung hindi na rin sa mga imprastrakturang tiyak na magtatagal at makatutulong sa susunod pang henerasiyon.

Tunay na ang programa ni Atty. Leni Robredo ay simbolo ng malalim na pagmamahal sa bansa at sa pagkakaisa ng lahat. Sa panahon ng kahirapan, may posisyon man o wala, siya at ang kaniyang plataporma ay nagsilbi sa atin bilang liwanag sa dilim—ang ating sulyap ng pag-asa. 

Mula sa pagiging abogado at economist hanggang sa pagiging politiko, siya ay naging tapat sa kaniyang trabaho. Ang katapatang ito ay nagbigay rason sa kaniya upang makapagpatupad ng iba't ibang programa na ikabubuti ng lahat ng mga Pilipino. Ito naman ay kaniyang napatunayan sa mga tulong na kaniyang naibigay sa bawat Pilipino sa iba't ibang sulok ng ating bansa. 

Ang kaniyang plataporma ay katugon sa kaniyang mala-rosas na mga programa, nagpapatunay na ang kaniyang intensiyon sa ating bansa ay dalisay. Ang kaniyang natatanging pamumuno ay tunay na kamangha mangha at nararapat na kilalanin sa pagbukas nito sa pinto ng pagbabago. Mula sa kaniyang paninimula ng pagbabago gamit ang kaniyang mga programa, gawin natin siyang gabay para magka-isa sa ating susunod na hakbang tungo sa pag-unlad ng ating minamahal na bansa.

Ang kuwento ni Atty. Robredo ay nagpapaalala sa atin na ang pamumuno ay hindi binibigyang kahulugan sa posisyon kundi sa layunin—isang modelo para sa lahat ng Pilipino na maghanap ng mga paraan, malaki man o maliit, upang maiangat ang bawat isa.

SANGGUNIAN:

[1] Lazaro, R., Brasseur, A., & Escobar, P. (2022, June 5). Philippines: Leni Robredo: A symbol of hope. Friedrich Naumann Foundation. https://www.freiheit.org/philippines/leni-robredo-symbol-hope 

[2] Antonio, R. (2022, January 2). Leni Robredo’s six years as VP: What she has achieved. Manila Bulletin. https://mb.com.ph/2022/01/02/leni-robredos-six-years-as-vp-what-she-has-achieved/ 

[3] Antonio, R. (2021, July 29). Robredo says Angat Buhay is her “best legacy.” Manila Bulletin. https://mb.com.ph/2021/07/28/robredo-says-angat-buhay-is-her-best-legacy/







No comments:

Post a Comment