Disenyo ni: Amara Dela Cruz
Inilatlaha ni: Sarah Belamide
Petsang Inilatlaha: Nobyembre 13, 2024
Oras na Inilatlaha: 9:05 AM
Umulan man o umaraw, lumindol o bumagyo, sa hirap at ginhawa, sila'y nakaantabay at handang maghatid ng serbisyo. Bilang mga propesyonal na may tungkuling paunlarin ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino, ang dedikasyon at kagitingan ng mga frontliners sa paglilingkod ay kailanma'y hindi maikakaila.
Sa kasalukuyang panahon, kung saan tayo ay nakararanas ng iba't ibang kalamidad, bakas ang pagsisikap ng mga frontliners upang mapanatili ang ating kaligtasan. Kahit na may mga pagkakataon na nagiging buwis-buhay ang kanilang trabaho, pinipili pa rin nilang maglingkod. Nararapat lamang silang bigyan ng pansin at pagpapahalaga para sa kanilang mga sakripisyo. Kaya naman, ating kilalanin ang ilan sa mga frontliners na may malaking gampanin sa ating lipunan, lalo na sa panahon ng mga sakuna.
MGA RESCUERS
Kabilang na ang mga tauhan ng lokal na pamahalaan at mga ahensya ng gobyerno tulad ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Philippine Coast Guard (PCG), ang mga rescuers ang naatasang agarang rumesponde upang mailigtas ang mga mamamayang nasa panganib.
Ang pagiging rescuer ay masasabing isa sa mga pinakamahirap at delikadong gawain sa kadahilanang sila ay nakikibaka sa anumang lagay ng panahon o kalamidad, tulad ng matinding pagbaha. Gayunpaman, gaano man kasidhi ang ulan o kalakas ang lindol, hindi natitinag ang kanilang katapangan at kabayanihan sa kabila ng mga pagsubok na kanilang kinakaharap.
"'Yung dulot po na saya at galak, wala pong kapalit na halaga. Basta po nakatulong ka, nakita mong nakatulong ka, nakapagsalba ka ng buhay, ang sarap po ng pakiramdam,” pahayag ni Geodensito Gripal, isang emergency responder mula sa Bulacan Rescue Team.
Kahit na nasawi sa kalagitnaan ng pagresponde ang ilan sa mga kasamahan ni Gripal, magaan ang kaniyang loob dahil nakatulong siya sa kaniyang kapwa. Mula rito, mahihinuha na datapwat mabigat ang trabaho ng isang rescuer, nakakataba naman ng puso ang kanilang tungkulin.
MGA MANGGAGAWA SA PANGANGALAGANG PANGKALUSUGAN
Hindi mawawala ang mga frontliners sa larangan ng kalusugan. Ang mga doktor, nars at iba pang manggagawa sa nasabing sektor ay taos-pusong nagsisilbi para sa kapakanan ng mga Pilipino. Nariyan sila para pagalingin ang may sakit, gamutin ang may mga sugat, at iwasan o puksain ang mga malawakang pandemya. Sinakripisyo at sinasakripisyo ng mga frontliners na ito ang kanilang lakas, oras at pahinga para sa bansa.
Tulad ng nangyari sa pandemya ng COVID-19, patuloy ang pagkilos ng ating mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan o healthcare workers upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan pagdating sa kalusugan. Sa kabila ng mga suliranin tulad ng mababang sahod, ang mga manggagawang ito ay tapat pa ring nagseserbisyo sa bayan at nagliligtas ng mga buhay.
MGA MEDIA NETWORKS AT PERYODISTA
Sa kasagsagan ng sakuna, pandemya, o kahit anong sitwasyon, ang mga media networks at peryodista ang siyang naglalahad ng balita at mahahalagang impormasyon. Sinisiguro nilang alam ng mga mamamayan ang mga detalye ukol sa isang pangyayari nang sa gayon ay makapaghahanda ang mga Pilipino para sa mga paparating na kalamidad. Importante ang papel ng mga mamamahayag na ito pagdating sa pagpapalaganap ng kaalaman at kamalayan sa bansa, pati na rin sa pag-iwas sa mga kumakalat na pekeng balita.
Lingid sa kaalaman ng nakararami, ang mga peryodista ay nalalagay rin sa panganib tulad ng mga field reporters na sumasabak sa mga peligrosong lugar, sa layuning mangalap at magbahagi ng impormasyon. Masusi nilang sinusuri ang mga datos tungkol sa mga kaganapan at inilalahad ang mga ito nang wasto upang lubos na maintindihan ng mga Pilipino. Ayon kay Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera, maituturi ring frontliners ang mga peryodista, partikular noong panahon ng COVID-19.
“Kahit na alam nila na ang kanilang buhay ay nasa panganib, masigasig pa rin nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin at ipinapaalam sa mundo ang sitwasyon. Puno kami ng respeto at paghanga sa mga miyembro ng midya,” banggit ni Herrera. Binigyang-diin niya ang kaniyang pagpapahalaga sa mga nasabing frontliners.
Samakatuwid, ang mga nasabing frontliners ay nagtataglay ng mga katangian ng isang bayani—matapang, mapagmalasakit, matatag at higit sa lahat, mapagmahal sa bansa. Hindi matutumbasan ang kanilang marangal na paglilingkod sa ating bayan. Wala nang mas kahanga-hanga pa sa mga frontliners na handang ialay ang kanilang buhay at kaligtasan para sa kapakanan ng kanilang mga kapwa mamamayan.
Kung kaya't, bilang kapalit ng kanilang serbisyo, bigyan natin sila ng rumaragasang suporta na kumikilala at nagbibigay pasasalamat sa kanilang mga naging kontribusyon. Upang mas maging mabisa ang kanilang pagtatrabaho, dapat din nating puksain ang mga suliraning hadlang sa kanilang tungkulin, tulad ng mababang sahod at benepisyo. Sa huli, mahalagang tandaan natin na ang mga frontliners ay mga ehemplo ng pagiging makatao, at kasama natin sila tungo sa magandang bukas at pagbabago.
SANGGUNIAN:
[1] ABS-CBN News. (2022, December 20). Mga nasagip ng limang rescuer na namatay sa bulacan punong puno ang pasasalamat | TV Patrol [Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=97sPHC5LpNM
[2] Marquez, C. (2020, April 6). Solon says journalists, media workers also frontliners; cites crucial role in crisis | Inquirer News. INQUIRER.net. https://newsinfo.inquirer.net/1254279/solon-says-journalists-media-workers-also-frontliners-cited-crucial-role-in-crisis
PINAGMULAN NG IMAHE:
Arcos, J. (2020, April 1). [Photo of healthcare frontliners]. The Philippine Star. https://www.facebook.com/photo/?fbid=1719474998206174&set=a.134754620011561&locale=ga_IE
Gumban, E. (2022, August 30). Frontliners honored as heroes. The Philippine Star. https://www.philstar.com/headlines/2022/08/30/2206097/frontliners-honored-heroes
Gumban, E. (2024, October 29). 4,000 Central Luzon cops deployed for Undas. The Philippine Star. https://www.philstar.com/nation/2024/10/29/2395971/4000-central-luzon-cops-deployed-undas
Philippine Coast Guard. (2024, October 29). Gov't responders rescue 169K so far. Philippine News Agency. https://www.pna.gov.ph/articles/1236698
Tan, M. (2024, October 23). Gearing up for KristinePH. ABS-CBN News. https://news.abs-cbn.com/news/2024/10/23/mmda-kristineph-preps-1501
No comments:
Post a Comment