Thursday, November 28, 2024

π—žπ—’π—Ÿπ—¨π— : “Paggamit ng GCash, Sigurado o Delikado?” ni Raine Gabriel G. Tolentino


Dibuho ni: Nicole Sofia Emutan

Inilathala ni: Marino Peralta 

Petsang Inilathala: Nobyembre 28, 2024

Oras na Inilathala:  8:30 AM



Sa makabagong mundo ng internet, laganap na ang paggamit ng mga cashless na paraan ng pagbabayad. Mula debit at credit cards, mobile banking apps, hanggang sa contactless payment na alternatibo. Tunay na napapadali ng mga ito ang proseso ng ating pagbabayad dahil bukod sa hindi na natin kailangan pa umalis sa ating kinaroroonan upang magbayad, nababawasan din ang posibilidad na tayo ay manakawan o mawalan ng pera. Subalit, hanggang saan ba masusukat ang lubos na seguridad at kaligtasan ng paggamit ng mga e-wallet?

Kamakailan lang, ang GCash, isa sa mga pinakakilalang e-wallet sa Pilipinas, ay nagdulot ng malaking kaguluhan sa sa X o Twitter matapos magbigay ng pangamba sa mga user nito. Isinaad ng mga nagreklamo na nasimot ang laman ng kanilang account nang makita nila ang hindi awtorisadong transaksyon na nag-send ng ilang dalawang libo sa magkakaibang numero. [1] Marami ang naalarma nang mangyari ito sapagkat walang natanggap na kahit anong text o OTP ang mga naapektuhan. Sa halip ay bigla na lamang awtomatikong nag-send ng pera ang Gcash sa mga hindi pamilyar na numero. Bukod sa nagsisilbing online na banko ng mga mayroong negosyo, ginagamit rin ng maraming estudyante ang e-wallet na ito upang makapag-ipon kaya lubos na nakakabahala ang ganitong balita.

Naglabas ng pahayag ang GCash kaugnay sa isyung nangyari kung saan ipinagbigay alam nila na ang lahat ng ito ay dahil sa isinagawang “system reconciliation process” ng kompanya. [2] Sa kabutihang palad, mabilis na inaksyunan ng Gcash ang problemang ito sa pamamagitan ng pag kontak sa mga naapektuhan at sa pag-abiso na puntahan lamang ang kanilang website para sa ibang katanungan. Ngunit kahit may pahayag na ang GCash ukol dito, mas mainam pa rin na ipagpatuloy ang imbestigasyon dahil maaring hindi akma ang kanilang pagsisiyasat, at mayroon talagang nakalampas sa kanilang seguridad.
Upang higit na maunawaan ang puno’t dulo ng lahat, nag boluntaryo ang Bangko Sentral ng Pilipinas na patuloy alamin ang nangyaring isyu. Ayon kay House Assistant Minority Leader Alene Brosas, mahalaga na makisali ang BSP sa imbestigasyon sapagkat kailangang mapag-aralan ang nangyaring withdrawal ng mga pera mula sa mga GCash users. [3] Malaking tulong ang magiging imbestigasyon ng mga ahensya sapagkat sa paraang ito, mas mareresolba ang lahat ng katanungan. Kung mapatunayan man na nagkaroon ng panghihimasok sa GCash, masasabi natin na hindi naging epektibo ang SIM Card Registration Act na ipinatupad pa noong taong 2022 dahil patuloy pa rin ang mga cybercrime sa ating bansa. 

Kasabay ng pag-usbong ng mga makabagong teknolohiya ay ang pagkalat din ng mga mapagsamantala kaya naman mahalaga na tayo ay maging mapanuri sa lahat ng oras. Walang tunay na kasiguraduhan na ligtas ang mga digital na wallet dahil sa huli, mga tao pa rin ang kumokontrol rito. Marami ang mga mamamayan na patuloy na nagsusumikap upang makalikom ng pera kaya naman masakit malaman na mawawala na lamang ito nang lingid sa ating kaalaman. Dapat din higpitan ang seguridad ng mga banko dahil ito ang nagsisilbing silid ng ating mga pinag-ipunan na pera. Kailangang umaksyon ng ating gobyerno at mas patatagin ang mga batas na ang layunin ay protektahan tayo mula sa ano mang cybercrime. Sa huli, maging pisikal o digital man na bangko, hindi dapat tayo maging kampante sa kung saan man natin itinatabi ang ating pera dahil may posibilidad pa rin na mawala ang ating mga pinaghirapan sa isang iglap. Sa panahon na laganap ang mga krimen, mas maigi na maging wais tayo sa pagdating sa ating mga salapi.

MGA SANGGUNIAN:

[1] Guison, D. (2024, November 9). Gcash Issues Statement on November 9 Incident. Unbox.ph.
https://unbox.ph/news/gcash-alleged-november-9-incident/

[2] Ayeng, R. (2024, November 10). Electronic wallet glitch erases cash. Tribune.net.ph. https://tribune.net.ph/.../electronic-wallet-glitch...

[3] Oliquino, E. (2024, November 10). BSP urged to probe, impose penalties vs GCash amid unauthorized transactions. Tribune.net.ph. https://tribune.net.ph/.../bsp-urged-to-probe-impose...

No comments:

Post a Comment