Disenyo ni: Gabryael Quijano
Inilathala ni: Kristine Joyce Soriano
Petsang Inilathala: Nobyembre 28, 2024
Oras na Inilathala: 7:11 AM
Kategorya: Prosa
Tema: Pagtatanto na ang pagmamahal na inialay sa'yo ay dahil lamang sa kanilang ala-ala mula sa isang tao.
Halos walong buwan nang namamalagi sa aking isipan ang katanungan kung sa iyo bang buhay, ano at sino ang aking kinatatayuan? Dahil mula nang malaman ko ang nakaraan, ang busilak kong dibdib tila'y unti-unting naninikip, unti-unting nawawalan ng tiwala sa tibay ng iyong mga bisig, ito ba ang tutulak sa'kin, o hihila pabalik?
Hindi naman sana ganito ang magiging takbo ng mga katanungan sa utak ko. Hindi sana ganito kung naikubli ang totoo—pilit mo pa rin namang itinatago, masyado ko lang kilala ang mga mata mo. Sa walong bilyong tao na namamalagi rito sa mundo, at sa libo-libong taong nakaharap mo, nakikita mo pa rin ba ang tunay na ako?
Marahil noong Marso, sa aking pagkagulat at sa magulo't minamadaling paliwanag mo, aking napagtanto na maaaring isa lamang pala akong anino ng kung sino, ngunit napakahalaga sa mga mata mo. Sa iyo bang mga paningin, isa lamang ba akong taga bigay ng kulay sa isang larawang kupas na may mga ala-alang hindi mo mapalipas?
Sino ba ang bulag sa ating dalawa? Ako bang halos noon pa lang ay hindi na makakita? O ang mga mata mong nasinagan na't nabisita na ng bukang-liwayway habang sa bisig niya, ikaw ay nakaakbay? Hindi ba't nasa akin ang taon at sakanya'y buwan lamang? Ngunit isang kahibangan kung hindi ko aaminin na ako'y talunan, dahil ang taon ay lumilipas, parang isang eroplanong dahan-dahang naglalaho sa kalangitan. Ngunit ang buwan? Ang buwan ay iyong masisilayan sa mga gabing puno ng kasiyahan at kadiliman.
Dahil ang mga dapit-hapong kasiyahan ay napakadaling kalimutan, at sa isang tahanan na nababakuran ng kasakitan ay namamalagi ang kaluluwang hindi mo malapitan. At paulit-ulit akong magsisilbing ala-ala na kung ano ang maaaring marating ng nakaraan, kung hindi mo lamang ito dahan-dahang sinukuan. At ang anino na mula sa mga mata mo ay hindi binuo ng pigura ko, kundi ng kasaysayang paulit-ulit kang minumulto.
IMAGE SOURCE:
Honda. (2023). Starry Eyes. Pinterest. https://pin.it/6SF8Y4WBg
crash. (2024). Pinterest. https://pin.it/64WbNO4LG
No comments:
Post a Comment