Disenyo ni: Louise Gabryael Quijano
Inilatlaha ni: Dionne Jheoff A. Mendoza
Petsang Inilatlaha: Nobyembre 7, 2024
Oras na Inilatlaha: 1:22 PM
Kategorya: Prosa
Tema: Pagpapahalaga ng mga magulang sa mga nakamit ng anak at ang epekto nito sa kanilang relasyon.
Ako ang pinakamagaling sa aking eskwelahan, ang pinakamatalino, pinakatalentado, at higit sa lahat ako ang may pinakamataas na marka.
Maging mga letra o matematika ako'y hindi napalya. Sa tuwing pagbibigkas ng tula sa aking eskwela, hindi mo makikitang wala ako sa entamblado. Batuhan man ako ng division o kung kaya’t multiplication, at spelling— tila’y tama nga sila! Ako nga ang pinakamagaling!
Sa tuwing ako’y nauwi, niyayakap agad ako ng aking tatay. Siya’y tuwang tuwa, “Ang galing mo talaga ‘nak!” sigaw niya. Nagiging masaya si tatay kapag mataas ako sa eskwelahan, kaya ko ginagalingan ng lubos. Kapag masaya si tatay, masaya rin ako.
“Mahal na mahal kita, ‘nak.” Bigkas niya saakin ng paulit-ulit.
Mahal din kita, ‘tay. Mahal na mahal… ngunit itay, sabihin mo sa akin bakit ngayon ako’y tumungtong sa mas mataas na baitang ang mga mata mo ay may aninag ng malakas na bagyo na pagkadami-daming kidlat, at ang iyong boses tila’y naging kulog sa loob ng ating tahanan. Sabihin mo sa akin bakit nagbago ang iyong trato sa akin.
Dahil ba hindi ako makapag-bigkas ng tula sa harap ng maraming tao katulad ng dati? Dahil ba ang aking mga marka’y hindi nanatiling mataas? Dahil ba ako’y dating kinagisnang matalino at magaling— ngayo’y isang karaniwang estudyante lamang?
Parang awa mo na ‘tay. Hindi ko desisyon, at mas lalong hindi ko ginusto ang pagkawala ko sa mga aralin. Parang awa mo na ‘tay, tingnan mo ako ng may pagmamahal at tuwa katulad ng pagtingin mo sa akin noong ako’y bata pa sa elementarya. Kausapin mo ako gamit ang boses mong malumanay habang niyayakap ako ng mahigpit.
Pag pasensyahan mo na ang anak mo ‘tay. Patawarin mo po sana ako sa lahat ng kabiguan at problemang naibigay ko sa iyo.
Hiling ko lamang ang maging anak mo na maaari kang matuwa at maipagmalaki mo.
No comments:
Post a Comment