Wednesday, December 18, 2024

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Bukas Makalawa” ni Lara Marie De Leon

 


Inilathala ni: Aprilyn Sado

Petsang Inilathala: Disyembre 18, 2024

Oras na Inilathala: 5:20 PM


Kategorya: Prosa

Tema: Paghahangad ng pahinga at ang mawala na pagdududa sa sarili


Sana bukas makalawa, makawala na sa rehas ng pagdududa.

Sa bawat araw, unti-unti akong nakukulong sa sariling isipan, paulit-ulit binabagabag ng mga katanungan.

Habulin lang ba ako ng kamalasan o sadyang ako ay talunan?

Nalulunod na sa ilalim ng sandamakmak na kapalpakan ang bawat tagumpay na pinilit kong makamit. Nabura na ng libo-libong pagkakamali ang mga testamentong nagpapatunay na kaya ko. Naglaho na ang mga ebidensiya ng aking katapangan. Ngayon, wala na sa aking isip kung ano ang susunod na hakbang na nararapat kong gawin.

Walang tapos ang hamon ng buhay. Maling daan ata ang natahak ko, napupuno ng mga lubak at liko. May madadaanang panandaliang lilim, pwedeng magpahinga ngunit bawal ang manatili. Bawal ang duwag. Kailangan bumangon at magpatuloy kahit pa walang kasiguraduhan kung saan ba talaga patungo.

Parang bawat araw ako sumusugal—minsan may araw na swerte, pero madalas, tila sobra ang galit ng mundo sa akin.

Bakit ganito?

Bakit kahit anong pilit ko, palaging talo? Kahit anong taya, nakatakda ata na magbayad ng pagod at sakit. Sa mga gabi na iniisip ang aking pag-iisa, patuloy ang debate sa aking isipan: may kabuluhan pa ba ang aking patuloy na pakikibaka?

Maling landas lang ba talaga ang napili ko? Mayroon bang lugar kung saan ako ay makakahanap ng pinto papunta sa sobrang habang pahinga? Unti-unti na akong nauubos. Simot na ang mga inipong lakas, at oras-oras kinukwestiyon ang sarili: paano kung hindi ko na kaya?

Araw-araw, kahit puno ng kaba, hinaharap pa rin ang sarili kong takot. Araw-araw iniisip kung kailan mababawasan ang bigat na nararamdaman—kailan matatapos ang mga panghihinayang at pagdududa sa bawat desisyon. Gabi-gabi kong dinadalaw ang puntod nga mga pangarap na hinayaan ko lang na pumanaw. Mga pangarap na lumalayo na sa aking mga palad.

Ngunit kahit pagod na, kahit tila wala nang patutunguhan, hindi ko alam kung paano sumuko. Siguro, dahil matapos man ang lahat, may natitira pa ring pag-asa. Pag-asa na baka sa susunod na hakbang, sa susunod na liko, maramdam na ang ginhawa. Ang pag-asang sa kabila ng lahat ng kapalpakan, darating ang araw na wala na ang mga pagdududa.

Sana nga, bukas makalawa.


No comments:

Post a Comment