Wednesday, April 2, 2025

𝗞𝗢𝗟𝗨𝗠: “Kasukatan ng Kababaihan” ni Angelli Clarisse S. Gonzales


Inilathala ni: John Kurt Gabriel Reyes

Petsang Inilathala: Abril 2, 2025

Oras na Inilathala: 6:42 PM


Hindi nasusukat ang pagiging babae sa pagkakaroon lamang ng matres, kakayahang mabuntis, pagkakaroon ng buwanang dalaw, at ano pang karanasang pambabae para mabigyan ka ng karapatang maki-ayon sa buwan ng pagdiriwang ng mga kababaihan. Ang pagkababae ay ang kakayahang maging matatag sa likod ng mga balakid na dinaranas kahit saang aspeto ng buhay ng pagiging babae.

Magmula noon hanggang ngayon ay nagiging debate ng marami ang pagdiriwang ng mga transwomen sa “Women's Month” kung nararapat daw ba ito o hindi. Ayon kay Jaff Conejos, ang mga transwomen ay nakakaranas din ng parehong pagdidiskrimina sa mga babae tulad na lamang ng; gender bias, violence, work discrimination, at kakulangan ng access ng health related services. Paniniwala rin ng iba na ang women's month ay para ipagdiriwang ang karanasang pambabae ng mga biyolohikal na babae para mabigyan ng karangalan ang mga kababaihan sa kanilang kakayahang makapag taguyod sa likod ng mga nararanasan nila tulad ng; pagbubuntis, pagkakaroon ng buwanang dalaw, at kakayahang mabuntis. Kung dito pagbabasehan ang pagiging babae ng isang indibidwal, tinatanggalan natin ng karapatan ang ibang babaeng hindi nakakaranas ng mga ito.

Naniniwala ang karamihan na ang mga transwomen ay may mismong araw upang ipagdiwang ang kanilang kasarian tulad na lamang ng “LGBTQIA+ Month” kung saan dito ay binibigyan parangal ang mga miyembro ng LGBTQIA+ sa kanilang mga karanasan, at tagumpay ng pagiging kasapi nito. Sa pagsali ng mga transwomen upang ipagdiwang ang “Women's Month” ay parang inaagawan na ng karapatan ang mga kababaihan upang kilalanin ang mga karanasan nila sa pagiging biyolohikal na babae; ngunit, ang women's month ay para sa pagpapakita ng suporta sa kapwa babae, biyolohikal man o hindi. Hayaan natin ang mga transwomen na kilalanin ang mga sarili nila bilang isang babae dahil ang karanasan nila sa pagiging transwomen mapa trabaho, labas ng bahay, at kung saan pa man ay hindi lumalayo sa mga nararanasan ng mga kababaihan araw araw. Hindi nasusukat ang pagiging babae ng isang indibidwal sa pagkakaroon ng matres para mabigyan ng karapatang ipagdiriwang ang women's month.

Ang pagiging transwoman ng isang indibidwal ay hindi pagiinsulto sa mga kababaihan. Ito ay ang pagkakakilala ng isang tao sa kanyang sarili at sino tayo para diktahan sila at tanggalan ng karapatang kilalanin ang mga sarili nila ayon sa kagustuhan nila? Lalo na't ang pagiging transwoman ay nakaranas din ng parehong pag aalipusta ng lipunan tulad ng pag aalipusta sa mga kababaihan. Kung hindi natin pag uusapan ang mga ganitong klaseng bagay, parang pinapayagan na lang din nating abusuhin ng mga kalalakihan at ng mga taong sarado ang isip ng karapatang pambabae at transwoman.

Dahil sa naitala ng Human Rights Campaign– halos 57 na transgender women na napapatay sa United States noong 2021, ito ay naging masaklap na taon sa mga miyembro ng transgender women dahil ang mga ganitong kaso ay hindi nauulat nang maayos.

Parte ng karapatang pantao ang mabigyan ng kalayaang kilalanin ang kanilang mga sarili ayon sa kasariang nais nila. Gayunpaman, dapat lamang na mabigyan ng kalayaan ang mga transwomen na makilahok sa ano mang programang kinabibilangan ng mga kababaihan; at lalong lalo na't hindi dapat ibinubukod ang mga transwomen sa malupit na kasaysayan ng mga kababaihan. Buksan ang mga isipan at itigil ang walang tigil na pagdidikta sa isang tao kung pano dapat nila kilalanin ang kanilang mga sarili dahil ang transwomen ay kasapi at mga kababaihan ay iisa lamang.


MGA SANGGUNIAN:

[1] Jaff Conejos, & Jaff Conejos. (2025, March 9). Women’s Month and inclusivity: The debate over trans women’s recognition. Daily Tribune. https://tribune.net.ph/.../womens-month-and-inclusivity...

[2] Fatal violence against the Transgender and Gender-Expansive community. . . (2024, November 12). HRC. https://www.hrc.org/.../fatal-violence-against-the...

[3] Uplifting trans women during Women’s History Month - The State of Women. (2021, March 31). The State of Women. https://thestateofwomen.com/uplifting-trans-women-during.../

No comments:

Post a Comment