Disenyo ni: Jhon Mark Torres
Inilathala ni: Kristine Joyce Soriano
Petsang Inilathala: Abril 03, 2025
Oras na Inilathala: 1:24 PM
Kategorya: Prosa
Tema: Ang pagkalito sa pagtukoy kung ang nararamdaman ba ay pag-ibig o hindi.
Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa akin. Ang daming tanong na lumilitaw sa aking isip na paulit-ulit kong pilit sagutin, pero sa huli, isa lang ang bumabalikβito ba talaga ang nararamdaman ko? Ito ba ang pag-ibig?
Pero ano ba ang pag-ibig? Ito ba ang kilig na lagi kong nararamdaman sa aking dibdib tuwing siya'y lumalapit? O baka naman itong nararamdaman ay simpleng uri ng ligaya lamang, saya dahil sa kaniyang presensya na laging nagpapakalma.
Ganito ba ang pag-ibig? O baka naman nagustuhan ko lang ang ideya na may isang taong laging kasama? Laging may kamay na nakakapit sa tuwing ako'y mag-isa sa dilim, sa panahon ng kalungkutan, katahimikan, at walang ibang matakbuhan. Ngunit, baka hindi talaga pag-ibig ang dahilan kung bakit ayoko siyang pakawalan, kundi takot. Takot na mawala ang aking ilaw na nagsisilbing gabay sa mga gabing puno ng dilim.
Ito ba ang pag-ibig? O baka nasanay lang ako na may kasama at takot na muling mag-isa? Takot na muling harapin ang mga gabi ng katahimikan at pangungulila. Baka ang pagkapit ng puso ko sa kaniya ay hindi dahil sa pag-ibig, kundi dahil sa pangambang bumalik ako sa mundong puno ng lamig at pag-iisa.
Pero, kung ganito talaga ang pag-ibig... sana'y hindi kailanman mag-iba ang mga nararamdam ko sa kaniya. Sana'y hindi mawala ang saya sa bawat pag-uusap at ang kilig na aking nadarama sa bawat ngiti niya.
Kung ito nga ay pag-ibig... sana ay kayanin kong piliin siya, sa kahit anong sitwasyonβsa mga panahon na tila tag-araw na masaya, at pati na rin sa mga panahong tila bagyo na puno ng mga luha't lungkot. Dahil ang tunay na pag-ibig ay hindi lamang simpleng kilig o ligayaβito ay ang pagiging payong ng isa't-isa sa bawat bagyo at ang paalala na ang bawat sakit ay may kalakip na pag-asa.
At kung sakaling hindi man ito pag-ibig... sana'y manatili pa rin siyang bahagi ng aking kwento hanggang dulo. Para bang isang magandang tanawin sa isang mahabang paglalakbayβhindi man siya ang aking huling destinasyon, pero mananatili naman ang alaala ng kanyang presensya na minsang nagbigay ginahawa sa gitna ng aking pagod at pangungulila.
No comments:
Post a Comment