Inilathala ni: Kristine Joyce Soriano
Petsang Inilathala: Abril 03, 2025
Oras na Inilathala: 1:37 PM
Kategorya: Prosa
Paksa: Unang pagkilala sa magulang ng kasintahan.
“Halika iha, kumain ka, anong gusto mo rito?” Alok sa akin ng iyong ina habang naghahanda ng plato. Nakatayo lamang ako sa likod mo na parang ako’y isang anino—hindi makagalaw, nahihiya, at ‘di alam kung paano tatanggapin ang alok, lalo na’t ngayon ko lang nakita at nakilala ang pamilya mo.
Pakiramdam ko ay parang isang salamin ang bawat mata ng pamilya mo—pinagmamasdan ang bawat galaw at suot ko. Hindi ko alam kung maayos ang itsura ko—kung tama ba ang ayos ng buhok o kung may kolorete pa sa mukha.
Hindi ko alam ang impresyon na naiwan ko at kung tunay na magugustuhan ng iyong pamilya. Hindi maiwasang mag-isip kung matatanggap ako o nagpapanggap na lang sila. Paano kung ang ngiti nila ay hindi totoo at paano kung ang bawat hakbang ay binabantayan?
Ang utak ko’y parang gulong na umiikot nang walang katapusan. Puno ng gulo, hindi ko masagot ang mga tanong na gusto niyang malaman. Habang pinagmamasdan ang bawat tao sa silid, lahat ng mga salita ay sobrang gaan ngunit para itong kidlat na biglang dumaan sa aking isip—mabilis, matalim at puno ng mga tanong.
Bukod sa pakiramdam ng lang kaba at takot, may nararamdaman akong pagnanais. Kinakabahan at pinapanalangin na magustuhan ng iyong pamilya at takot na baka hindi. Para akong bata na papasok sa paaralan ng unang beses sa sobrang takot.
Ang silid ay puno ng tawanan, kwentuhan, at tanungan; puno ng enerhiya. Ngunit sa akin ang lahat ng ito’y parang malabo na tunog sa malayong lugar. Hindi ko maramdaman ang saya sa mga boses at ang salita nila ay umalingawngaw na nagmula sa aking isip, habang ang mga tanong ay lumulutang sa hangin.
Habang sinusuri ang silid, tumingin ako sa mesa dahil naamoy ko ang adobong nagmamantika at mukhang masarap, inaakit ang sikmura ko. Kinuha ko ang plato sa kamay ng nanay mo at ngumiti kahit na may kasamang kaba. Gaano ko man ipilit maging natural, nararamdaman ko pa rin ang bahagyang nginig sa kamay habang kinukuha ang plato. Pero isang matamis na ngiti ang balik ng nanay mo.
Sa pagkain ng putahe, natikman ko ang matamis, malasa at mainit. Nasa isip-isipan ko na siguro ang putahe ay ang sasagot sa mga katanungan ko na matatanggap nila kung sino man ako. Bawat kagat ay nagsilbing sagot sa mga katanungan ko. Siguro ito ang patunay na matatanggap nila ako—at tama nga ako. Isang matamis na pag tanggap.
Habang palapit na tayo sa pintuan, pumunta ang nanay mo, inabot ang mga pagkain, at niyakap ako. Ramdam ko ang bigat ng mga kamay nya sa likuran ko—ito ay mainit, malambot at komportable, isang yakap na nagbigay sa’kin ng kalmado. Bumulong sa’kin na may pagmamahal; “Sa susunod iha, ‘wag kang mahihiya ha. Tanggap ka namin.”
Ang mga salitang ‘yun ay may kakaibang ginhawa sa aking puso at ‘yun ang mga gustong marinig. Ang takot at kaba ay naglaho na parang bula dahil sa simpleng salita ay nagsisilbing kaliwanagan.
IMAGE SOURCE:
Ode To My Father - AsianWiki. (2014). Asianwiki.com. https://doi.org/1069765/AW-Leaderboard2
No comments:
Post a Comment