Wednesday, April 2, 2025

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: "Pag-usbong sa Piniringang Salita" ni Hayden Jam R. Recto

 


Disenyo ni: Amara Dela Cruz 

Inilathala ni: Christine Mae A. Karunungan 

Petsang Inilathala: Abril 2, 2025

Oras na Inilathala: 2:22 PM


Kategorya: Tula

Paksa: Pagkalas sa GapΓ³s ng Katahimikan


Sa likod ng rehas ng mundo

May mga salitang bumabalot sa dibdib—

binigkis ng luma't kalawang na paniniwala,

isang diktang pilit na isinisiksik:

"Babae ka lang... hanggang dito ka lang."


Ngunit hindi nila alam—

ang tinig mong pinipipi'y

bagyo sa katahimikan,

ang luha mong tumulo'y

dagat na bumabalikwas sa dalampasigan.


Sa bawat hampas ng malamig na palad,

pinipilas ang laman ng iyong pagkatao,

subalit sa bawat sugat,

may rosas na namumulaklak—

nagsisilang ng tapang mula sa kirot.


Ikaw na sinubukang ipagsiksikan sa kahon,

babaeng tinalian ng mga lumang ideya,

ngunit pinupunit ang bawat tanikala

dala ng mga pang-aalipusta.


Ikaw na sinunog ngunit hindi naglaho,

sa ilalim ng mga bituin,

ikaw ang apoy na hindi napapatay—

liwanag sa dilim, sigaw ng kalayaan,

isang rebolusyon sa bawat hakbang.


Dahil hindi ka lamang katawan—

Ikaw ay sigaw mula sa kailaliman,

puso mong binubugbog ay tambol ng pagbabago.

Bawat hibla ng buhok mong pinagsasamatalahan

ay lasong pumapatay sa katahimikan ng mundo.


At sa dulo ng lahat ng ito,

kapag bumagsak na ang mga tanikala,

malalaman nilang hindi ka kailanman nagkulang—

sapagkat ikaw ang unos na gigising

sa mundong matagal nang natutulog sa bulag na pananahimik.

No comments:

Post a Comment