Disenyo ni: Joey Francisco
Inilathala ni: Lean Miguel Tizon
Petsang Inilathala: Abril 2,2025
Oras na Inilathala: 5:59 PM
Ang edukasyon ay maituturing hindi lamang isang karapatan kundi isang pangunahing pundasyon sa pambansang kaunlaran. Sa Pilipinas, kung saan milyon-milyong Iskolar ng Bayan ang nangangarap ng ginintuang kinabukasan at progresibong lipunan, isang direktang pag-atake sa milyon-milyong estudyante na umaasa sa abot-kayang edukasyon ang patuloy na pagbabago at pagbabawas ng pondo para sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo sa Pilipinas. Mas mababang pondo ay nagsasaysay ng katiting na pag-asa sa abot-kayang edukasyon, kawalan ng pasilidad, at salat sa ayos na sistema ng edukasyon sa bansa. Isang malaking dagok para sa mga estudyanteng maituturing na anak ng bayan ang patuloy na retraksyon ng pondong pampinansyal para sa mga pampublikong unibersidad. Sa kabila ng lumalalang pagdami ng estudyanteng nangangarap sa pampublikong edukasyon, bakit tila paatras ang ginagawa ng gobyerno? Hindi ba't ang kaunlaran ng isang nasyon ay may kabalikat na talino at kakayahan ng mamamayan nito?
Sa kabila ng bulok na pangako at patuloy na pasarin ng gobyerno na gawing prayoridad at makatarungan ang sistema ng edukasyon, tinatayang nasa 39 na pampublikong unibersidad at kolehiyo sa Pilipinas ang nananawagan sa Kongreso na ibalik ang P14.481 billion budget cut na nagbabantang mapilayan ang abot-kaya at libreng edukasyon sa pagpasok ng taong 2025 [1] Sa bawat piso at sentimong ibinawas mula sa pondo ng mga pampublikong paaralan sa kolehiyo, isang pangarap ang tuluyang tinuldukan. Para sa milyon-milyong estudyanteng na patuloy na nangangarap, ang pagbawas ng pondo ay hindi lamang isang pinansyal na suliranin—ito ay isang hatol na kumakalaban sa pangarap. Ang hakbangin na ito ng gobyerno ay isa lamang manipestasyon ng pagkakait ng pansin at konsiderasyon sa tunay na kahalagahan at importansya ng edukasyon sa bansa. Sa ganitong uri ng pagpapatakbo ng gobyerno, paano natin maasahan ang isang progresibong lipunan, kung mismong gobyerno ang pumipigil sa pag-usad ng kabataan?
Ayon sa datos na inilatag ng Commission on Higher Education (CHED) at ng Department of Budget and Management (DBM), ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) ay maaaring sumuong sa P2.4-bilyong pagbawas sa badyet matapos ipasa ng House of Representatives (HOR) ang 2025 national budget sa ikatlo at huling pagbasa nito noong Setyembre 26, 2024. [2] Isa lamang ang Unibersidad ng Pilipinas sa mga pampublikong unibersidad na nagdurusa sa malawakang kakulangan ng pondo na gagamitin sana upang mas mapanatiling makabago ang kalidad na edukasyon sa naturang unibersidad. Ang pagbawas ng pondo sa mga pampublikong unibersidad sa bansa, ay isa lamang malinaw na representasyon ng kakulangan ng tunay na malasakit ng gobyerno sa kasalukuyang estado nito sa bansa. Ang pagsasakripisyo sa pondo ng mga pampublikong unibersidad ay nangangahulugan lamang ng walang matibay na sistema ng edukasyon sa bansa sa mga susunod pang taon.
Ang edukasyon ay hindi lamang isang pribilehiyo kundi isang mahalagang sektor ng lipunan. Hindi maaaring tuldukan ng gobyerno ang mumunting pangarap ng mga estudyante, dahil lamang sa isang hatol na nagkukubli sa salitang “budget cut”. Marapat lamang na hindi tayo manahimik habang unti-unting kinikitil at nililitis ang oportunidad ng libu-libong Iskolar ng Bayan. Panahon na upang bumoses at ipakita ang ating paninindigan na lumaban, dahil hindi kailanman magiging pribilehiyo ang edukasyon para lamang sa iilan. Ang laban para sa edukasyon, ay hindi lamang laban ng mga estudyanteng patuloy na nangangarap kundi laban ng buong masa. Kung patuloy na mananaig ang kapabayaan, pagsasawalang-bahala sa tunay na layunin ng edukasyon at patuloy na ipagkakait ang tama at karampatang pagkatuto, tayo rin ang aani at magbabayad ng presyo ng isang bansang salat sa ayos ang sistema ng edukasyon, patuloy na naninirahan sa lilim ng kamangmangan at walang sapat na pag-unlad sa hinaharap.
Ang edukasyon ay isa sa mga pinakapayak ngunit pinakamakapangyarihang sandata laban sa kahirapan, kamangmangan at kawalang katarungan ng isang nasyon. Ang patuloy na pagbawas ng pondo na nakalaan para sa edukasyon, ay isang malinaw na indikasyon ng maling pamamahala—ang hakbangin na ito ay hindi lamang simpleng pagpapahirap sa mga estudyanteng patuloy na nagsusumikap, ngunit isa ring direktang pag hadlang sa pag unlad ng isang bansa. Hindi magiging sapat ang pananahimik sa mga panahong paunti-unting nilalagas ng gobyerno ang pondo na siya sanang pappanday sa kaisipan ng bawat kabataang Pilipino.. Sa mga panahong ang edukasyon lamang ang nakikitang paraan upang umunlad, ito rin ang panahon upang mas lakasan ng taong bayan ang malakas at buong tapang na panawagan sa maayos na sistema ng edukasyon sa bansa. Ang Pilipinas ay hindi lamang mayaman sa kayamanang likas kundi sa katalinuhan at kakayahan ng mga estudyanteng maituturing na Iskolar ng Bayan.
MGA SANGGUNIAN:
[1] Flores, D.N. (2024, September 18). 39 state universities call for restored P14.48-B budget for 2025. Philstar. https://www.philstar.com/.../39-state-universities-call...
[2] Gud, D. (2024, October 4). Fate of UP’s budget now in the Senate. Tinig ng Plaridel. https://www.tinigngplaridel.net/upbudget-2025/
No comments:
Post a Comment