Inilathala ni: Francen Anne Perez
Petsang Inilathala: July 11, 2025
Oras na Inilathala: 9:00 PM
Tatlong pampasabog mula pa noong World War II ang nahukay noong Hulyo 7, Lunes ng hapon, sa loob ng UP College of Medicine sa Pedro Gil Street habang isinasagawa ang paghuhukay para sa pagtatayo ng septic tank sa Salcedo Hall ng unibersidad.
Ayon sa Manila Police District – District Explosive and Canine Unit (MPD-DECU), nahukay ng mga construction workers ang mga bomba bandang 3:15 ng hapon.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad upang tiyakin ang kaligtasan sa lugar.
“Naghuhukay sila para sa new septic tank ng UP College of Medicine building. Immediately, nag-proceed po kami doon to recover or conduct render safety procedures doon sa mga sinasabing vintage bombs.” ayon kay Police Chief Master Sergeant Ernesto Rivera Jr., team leader ng MPD-DECU.
Kabilang sa nahukay ay isang 75mm projectile explosive at isang Type 79 Japanese hand grenade na karaniwang ginagamit noong World War II.
Agad na sinelyuhan ng mga awtoridad ang lugar, habang inilikas naman ang mga manggagawa at empleyado sa gusali bilang pag-iingat.
Babala ni Rivera, nananatiling mapanganib ang mga pampasabog sa kabila ng kalawangin at lumang kondisyon ng mga ito.
“Delikado pa rin. Hindi naman ibig sabihin na natatagpuan natin in corroded condition siya, kalawang, wala na siyang explosive fillers sa loob, meron pa rin po 'yun.” aniya.
Ayon pa kay Rivera, ang 75mm na bomba ay may casualty radius na 16 metro, sapat upang makapinsala hanggang sa Taft Avenue sakaling sumabog ito.
Dagdag ng MPD-DECU, karaniwan nang nakahuhukay ng mga lumang pampasabog sa mga lugar tulad ng Intramuros at Manila Bay.
Sa ngayon, ligtas nang nakalagak ang mga bomba sa isang pasilidad at nakatakdang isailalim sa proseso ng denotasyon sa lalawigan ng Tarlac.
MGA SANGGUNIAN:
[1] GMA Integrated News. (2025, July 8 ). WW2 bombs, Japanese grenade unearthed at UP College of Medicine compound. https://www.gmanetwork.com/news/topstories/metro/951832/3-vintage-bombs-unearthed-inside-up-college-of-medicine-compound/story/
[2] Parva, V. (2025, July 8 ). WWII bomb at granada, natagpuan sa construction site sa UP Manila. SMNI News. https://smninewschannel.com/wwii-bomb-at-granada-natagpuan-sa-construction-site-sa-up-manila/
[3] Sarmiento, D. (2025, July 8 ). Two WWII bombs, hand grenade unearthed at UP College of Medicine. ABS-CBN News. https://www.abs-cbn.com/news/nation/2025/7/8/two-wwii-bombs-hand-grenade-unearthed-at-up-college-of-medicine-0856?fbclid=IwQ0xDSwLZ_4NleHRuA2FlbQIxMQABHo9uq8MvdddTtIMJU2cUv16sg7WkfHaNU-Fnx0JvhhMo1g1f7pcU-y0iZrM8_aem_nQwH3mSr4KIZwEKFgYHV7Q
No comments:
Post a Comment