Saturday, July 19, 2025

π—•π—”π—Ÿπ—œπ—§π—”: "Sunod-sunod na Phreatomagmatic Eruption, Naitala sa Taal Main Crater" ni James Xyrelle M. Galang

 



Inilathala ni: Patrick Lance Guerra 

Petsang inilathala: July 19, 2025

Oras na inilathala: 5:40 PM


Nakaranas ng tatlong magkasunod na minor phreatomagmatic eruptions ang Bulkang Taal sa Main Crater nito noong Hulyo 17, 2025 mula 3:01 PM hanggang 3:13 PM, ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Ayon kay Maria Antonia Bornas, hepe ng Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division ng PHIVOLCS, “Ang aktibidad na ito ay hindi bago, ito ay karaniwang obserbasyon sa kasalukuyang kondisyon ng Bulkang Taal.”

Batay sa monitoring data, ang mga pagsabog ay naglabas ng usok o plume na umabot sa taas na 2,400 metro at tinangay ng hangin patungong timog-silangan.

Nilinaw ng PHIVOLCS na ang una nilang ulat na “minor phreatic eruption” ay dapat itama bilang “minor phreatomagmatic eruptive events.”

“Ito ay dahil sa ugnayan ng tubig sa ilalim ng lupa at mainit na magma, na nagdudulot ng mas eksplosibong uri ng pagsabog,” paliwanag ni Bornas.

Dagdag pa niya, “Simula pa noong 2021, pabalik-balik na ang ganitong klaseng aktibidad sa Taal.”

Ipinaalala ng PHIVOLCS sa publiko na nananatiling off-limits ang Taal Volcano Island dahil ito ay bahagi ng permanent danger zone.

Hindi tumaas ang alert level ng bulkan at nananatili ito sa Alert Level 1, na nangangahulugang mababa ang antas ng volcanic unrest.

Ayon sa PHIVOLCS, ang direksyon ng plume ay papalayo sa bayan ng Laurel kaya hindi nito naaapektuhan ang retrieval operations sa Taal Lake.

Sa isang panayam, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, “’Pag hindi healthy, kung ito ay magiging balakid sa health ng tao, tigil muna. PHIVOLCS will advise us kung safe or hindi.”

Pinayagan ng PHIVOLCS ang pagpapatuloy ng operasyon ng Philippine Coast Guard ngunit nananatiling mahigpit ang paalala na huwag pumasok sa paligid ng bulkan.


MGA SANGGUNIAN:

ABS-CBN News. (2025, July 17). Taal Volcano spews steam in minor phreatic eruption — PHIVOLCS. https://www.abs-cbn.com/news/regions/2025/7/17/taal-volcano-spews-steam-in-minor-phreatic-eruption-phivolcs-1526

GMA Integrated News. (2025, July 17). Minor phreatic eruption monitored at Taal Volcano — PHIVOLCS. GMA News Online. https://www.gmanetwork.com/news/topstories/regions/952905/minor-phreatic-eruption-monitored-at-taal-volcano-phivolcs/story/

Sigales, J. (2025, July 17). Phivolcs logs minor phreatic eruption at Taal Volcano. Inquirer net. https://newsinfo.inquirer.net/2083444/phivolcs-logs-minor-phreatic-eruption-at-taal-volcano


No comments:

Post a Comment