Thursday, August 14, 2025

π—£π—”π—‘π—œπ—§π—œπ—žπ—”π—‘: “Ang Hiwaga ng Sariling Katahimikan” ni Allaina Roane M. Blanquisco


 Inilathala ni: Athena Palatino

Petsang Inilathala: Agosto 14, 2025

Oras na Inilathala: 9:20 AM



Kategorya: Prosa


Tema: Ang malalim at mahiwagang kahulugan ng katahimikan sa loob ng sarili bilang isang espasyo ng pagninikay at katotohanang hindi nasasambit.


Ako’y nananahimik, ngunit ang katahimikang ito ay hindi kawalan. Tulad ng silid na matagal nang nilimot ng liwanag, bawat alikabok ay alaala ng mga salitang naiwang nakasulat sa hangin—ng mga tanong na walang sagot, at mga sagot na hindi nais makilala.


Ang aking puso’y luklukan ng mga lihim na hindi nagtagumpay magtagpo sa dila, isang labirintong naghahabi ng mga di-nabibigkas na pangungusap.


Sa likod ng bawat katahimikan, may bulong ng mga pangarap na naglalakbay sa anino, mga salitang sumisiklab sa alab ng damdamin, ngunit nagtatago sa likod ng mga pader ng pag-aalinlangan. Hindi lahat ng salita ay handang palayain, may mga himig na nais manatiling lihim, at mga tula na nagsasaya sa pag-ibigang lihim ng katahimikan.


Ang katahimikan ko’y isang anyo ng panalangin—hindi para sa kapayapaan ng mundo, kundi para sa kapayapaan ng kaluluwa, isang alon ng mapanahong pagninilay na sumasalamin sa kailaliman ng sarili. Doon, sa mapait na tahimik, nadidiligan ang mga ugat ng tunay na pagkatao, na hindi kailanman nabubuo sa mga himig ng salita.


Nais kong marinig ang sarili kong tinig—isang tinig na hindi pinapalibutan ng takot o binabalot ng pananahimik, kundi nagmumula sa kaibuturan ng aking pagdududa. Sa likod ng bawat tanong na hindi ko masambit sa bawat damdaming hindi ko maipahayag, naroon ang isang sigaw na matagal ko nang pinipigil: ang tinig ng aking tunay na pagkatao. Hindi ito isang tinig na malakas o nakagugulat, kundi isang banayad na himig na unti-unting nabubuo sa katahimikan, sa prosesong yakapin ang sarili. Sa bawat salitang maingat kong ibinibigkas—mabagal, mabigat, puno ng pangamba—naroon ang tinig ng isang kaluluwang matagal nang nauuhaw sa pagtanggap. Isang kaluluwang hindi umaasa sa kasagutan, kundi umaasang mapakinggan at kilalanin na ang kanyang tinig ay may halaga, gaano man ito kahina.


At marahil, sa dulo ng paglalakbayng hindi pagsasalita, dadalhin ko ang hiwaga ng katahimikang ito bilang sagradong kalasag—isang wikang higit pa sa mga salita, isang himig na mas malalim pa sa ingay ng buong daigdig, sapagkat dito, sa aking sariling katahimikan, ako’y nagiging totoo.



No comments:

Post a Comment