Thursday, August 21, 2025

๐—ฃ๐—”๐—ก๐—œ๐—ง๐—œ๐—ž๐—”๐—ก: “Ang Mga Pahina ng Aking Pagkabata” ni Summer Pasadilla

 


Dinisenyo ni: John Maclen Dolor

Inilathala ni: Iana Henson

Petsang Inilathala: Agosto 21, 2025

Oras na Inilathala: 10:57 Am


๐—ž๐—”๐—ง๐—˜๐—š๐—ข๐—ฅ๐—ฌ๐—”: Prosa

๐—ฃ๐—”๐—ž๐—ฆ๐—”: Pangungulila sa kabataang inosente at pagbabago ng isang tao sa paglipas ng panahon.


Habang naglilinis ako ng lumang kabinet sa aking kwarto, may nahulog na maliit na kwaderno. Medyo kupas na ang pabalat na may konting sulat at disenyo sa gilid, kasama na ang pangalan kong nakasulat gamit ang makapal na lapis na aakalain mong isinulat ng doktor. Napangiti ako sa sarili ko. Hindi ko alam kung matatawa ba ako o mahihiya sa alaalang dala-dala nito. 


Syempre'y tinukso rin ako ng alaala ko. Umupo ako sa sahig sabay patong ng kwaderno sa mga hita ko. Nang buksan ko ang unang pahina, isang halakhak ang lumabas sa bibig ko.


"๐˜‹๐˜ฆ๐˜ข๐˜ณ ๐˜‹๐˜ช๐˜ข๐˜ณ๐˜บ, ๐˜ช๐˜ต'๐˜ด ๐˜ต๐˜ฉ๐˜ฆ ๐˜ง๐˜ช๐˜ณ๐˜ด๐˜ต ๐˜ฅ๐˜ข๐˜บ ๐˜ฐ๐˜ง ๐˜ด๐˜ค๐˜ฉ๐˜ฐ๐˜ฐ๐˜ญ ๐˜ข๐˜ด ๐˜ข 4๐˜ต๐˜ฉ ๐˜Ž๐˜ณ๐˜ข๐˜ฅ๐˜ฆ๐˜ณ! ๐˜’๐˜ช๐˜ฏ๐˜ข๐˜ฌ๐˜ข๐˜ฃ๐˜ข๐˜ฉ๐˜ข๐˜ฏ ๐˜ข๐˜ฌ๐˜ฐ ๐˜ฑ๐˜ฆ๐˜ณ๐˜ฐ ๐˜ฆ๐˜น๐˜ค๐˜บ๐˜ต๐˜ฆ๐˜ฅ ๐˜ฏ๐˜ข ๐˜ข๐˜ฌ๐˜ฐ๐˜ฏ๐˜จ ๐˜ฎ๐˜ข๐˜ฌ๐˜ช๐˜ต๐˜ข ๐˜ข๐˜ฏ๐˜จ ๐˜ฎ๐˜จ๐˜ข ๐˜ฌ๐˜ข๐˜ช๐˜ฃ๐˜ช๐˜จ๐˜ข๐˜ฏ ๐˜ข๐˜ต ๐˜ฃ๐˜ข๐˜จ๐˜ฐ๐˜ฏ๐˜จ ๐˜ฌ๐˜ข๐˜ฌ๐˜ญ๐˜ข๐˜ด๐˜ฆ ๐˜ฌ๐˜ฐ!" Mali pa ang pagbaybay ko ng "excited," ang naisulat ko pa ay, "excyted." 


Pero grabe, parang ang liit ng mundo ko noon. Naalala ko pa noong unang araw ng klase noong nasa ika-apat na baitang ako, doon ko nakilala 'yung naging pinaka-malapit kong kaibigan hanggang high school. Sa mga susunod na pahina, punong-puno na ng kwento tungkol sa kanya at sa mga ginawa namin nang magkasama—mula sa unang sabay naming pagkain ng tanghalian hanggang sa araw na sinamahan niya ako pauwi dahil malakas ang ulan.


Napapailing ako habang naka-ngiti't binabasa ang mga isinulat ko rito. Ang daming maling paggamit ng tandang at magulong gramatiko. Mayroon pa ngang mga dibuhong naka-singit sa mga pahina kahit wala naman siyang koneksyon sa isinulat ko. May mga liriko pa ng mga kanta na paborito ko noon.


Habang binabalikan ko 'yung mga pahina ng kwaderno na 'to, unti-unti kong napagtatanto kung gaano ka-simple ang pamumuhay ko noon na walang pinoproblemang malalim at ang tanging reklamo ko lamang ay ang pagbangon nang maaga para pumasok. Nakita ko rin kung gaano ako ka-inosente dati. Kahit maliit lang na pangyayari sa buhay ko noon parang napaka-laki na para sa akin. Walang arte at lahat ng kilos ay totoo.


Ngayon, parang hindi ko na kayang maging gano'n. Dati, pinapakinggan ko ang tibok ng puso ko, iniisip ko na kahit ano na lang mangyari, wala namang mawawala sa akin. Ngayon, mas pinapakinggan ko na ang utak ko dahil mas gusto ko maging mature at lohikal. 


Siguro kasi tumatanda na ako. Pero habang binabasa ko ang bawat pahina ng kwaderno, ramdam kong kumakatok pa rin 'yung batang ako na hindi takot magsulat ng kahit ano at masiyahin kahit sa maliit na bagay. Kahit na mayroong kahihiyan sa maling baybay at magulong gramatika, 'yung pagiging totoo sa sarili nang walang iniintinding opinyon ng iba ang katotohanang wala na ako ngayon. At doon ko naisip, hindi ko dapat ikahiya ang nakaraan ko dahil siya ang nagpapaalala sa akin kung paano maging totoo at masaya nang buong puso.



No comments:

Post a Comment